
Arron Villaflor misses playing kontrabida
Pagkatapos makilala sa “Astro Mayabang” noong 2010, balik sa pagbibida ang Kapamilya actor na si Arron Villaflor.
Isa siya sa mga bida ng “Matang Tapang” na halaw sa tunay sa pangyayari sa buhay ng tatay ng director nitong si Rod Marmol.
“Ako si Bangs, best friend siya ni Hardrock, portrayed by Edgar Allan. Sa journey niya, darating siya sa pagkakataon na may lihim na pagmamahal siya kay Ritz (Azul).
“Magtatalo rito iyong pagmamahal niya at pagkakaibigan. Iyon ang isa mga twist ng kuwento,” sey ni Arron.
Nagpapasalamat naman siya dahil sa paggawa ng indie movie, nabibigyan siya ng pagkakataong magbida.
“Actually, sa mga teleserye, usually kontrabida ako. Dito, iba siya. Hindi ko siya masabing support lang kasi ginawa ni Direk na iyong best friend must be attached to the guy and the girl. So, it’s a ‘bida’ role, too,” paliwanag niya.
Ayon pa kay Arron, nami-miss niya ang pagganap bilang kontrabida.
Siya kasi ang pumapel noon bilang primera kontrabida ni Coco Martin sa “Juan dela Cruz” kung saan nagmarka ang kanyang pagganap.
Dagdag pa niya, happy din siya dahil napapakinabangan niya ang naging exposure niya sa mga pelikula at teleseryeng may temang aksyon sa kanyang bagong pelikulang “Mata Tapang.”
“Bilang sundalo, may mga action sequences kasi kami, so at least hindi na siya bago sa akin,” sey niya.
Aminado rin siya na muntik na niyang iwan ang show business noon.
“This was mga six years ago pa. Naisip ko kasi noong parang hindi para sa akin ang showbiz. Naisip ko na puwede naman akong mag-aral. Pero, ipinagdasal ko siya. Sabi ko kay Lord, “Lord, tulungan mo akong magdesisyon. Ikaw na ang mag-decide para sa akin”. Tapos, pagkatapos noon, saka dumating ang mga offers,” pagbabalik-tanaw niya.
Masaya rin siya dahil bahagi na siya ng Cornerstone family ni Erickson Raymundo.
“I feel na I am in good hands. Thankful ako sa opportunity na ibinibigay nila sa akin. May plans sila for me at siyempre, ako naman, I have to do my part, too,” bida niya.
Bilang preparasyon sa kanyang pangarap na maging singer at recording artist, nag-aral ng gitara at kumuha ng voice lessons si Arron subalit naunsyami ito noong nakaraang taon.
“Hindi pinalad kasi noong mga time na iyon. May inayos ako sa family ko. Namatayan ako, which is iyong naka-discover sa akin. Siya si Tita Len, kapatid ng father ko. Parang naisip ko, nag-stop lahat. Until now, I feel the sadness pa rin,” kuwento niya.
Gayunpaman, naroon pa rin daw ang kagustuhan niyang ituloy ang kanyang pangarap.
“Hindi pa rin naman nawawala ang passion, naroon pa rin iyon, especially na ang Cornerstone ang stable ng mga magagaling na artists and singers,” deklara niya.
Sa Cine Filipino, ang kuwento ang hari.
Kung sakali raw na may pagkakataon siyang ikuwento ang buhay, gusto raw niyang ibahagi ang kabanata noong nagsisikap pa siyang maging artista.
“Siguro, gusto kong i-share iyong pagpasok ko sa pag-aartista at iyong takbo ng buhay ko noon, dahil interesting siya na mula sa isang normal na tao na galing sa probinsya ay nangarap at patuloy na nangangarap para siya maging inspirasyon sa iba,” pagwawakas niya.
Kabituin ni Arron Villaflor sa “Mata Tapang” sina Edgar Allan Guzman, Jerald Napoles, Ritz Azul at Migs Almendras.
Nasa cast din siya ng Kapamilya Gold teleseryeng “Asintado” kung saan binibigyang-buhay niya ang papel ni Ramoncito Salazar.