
“Bakwit Boys” brings Devon Seron closer again to music
Kapuso na ang dating Star Magic talent na si Devon Seron.
Katunayan, nakapirma na siya ng kontrata sa Siyete kung saan maraming magagandang plano ang nasabing network sa kanya.
Nilinaw din ni Devon na ang pag-oober da bakod ay hindi udyok ni Kiko Estrada, na kasalukuyang nali-link sa kanya.
“Actually, matagal na akong nag-decide. Inantay ko lang talaga na matapos ang contract ko. Matagal na talaga akong nagpaalam sa kanila. So far, sinusuportahan naman nila ako,” paliwanag ni Devon.
Ayon pa sa bida ng “Bakwit Boys,” grateful din siya sa opportunities na ibinigay sa kanya ng Star Magic noong nasa ABS-CBN pa siya.
“Seven years din ako sa Star Magic at marami rin akong naging projects at characters na na-portray. Thankful ako for the opportunities. Okay naman ang paghihiwalay namin. No burning of bridges or anything,” esplika niya.
Hindi rin niya tahasang maamin ang estado ng relasyon nila ni Kiko.
“Actually, we’re getting to know each other pa. Siya na lang ang tanungin ninyo tungkol sa panliligaw. Masaya ako kung anuman ang meron ako, family, lovelife, career. Smooth ang pag-sail ng career ko,” hirit niya.
Aminado naman siyang na-develop ang friendship nila noong ginagawa nila ang “Walwal.”
“Kami naman po, nag-uusap naman kami ni Kiko, kaya lang, pareho lang kaming busy . Nag-reunite lang kami sa Walwal after Pwera Usog. Konti lang kasi ang scenes namin sa Pwera Usog kaya hindi kami nakapag-catch up. Doon sa Walwal lang kami, nagkakausap talaga kasi mag-partner kami,” bulalas niya.
Aniya, excited din siyang makatrabaho sa isang teleserye o TV show si Kiko.
“Actually, gusto naming makatrabaho ang isa’t-isa. Iba kasi iyong passion niya for acting. Tinuturuan niya nga ako how to deliver the lines well. Very passionate siya sa pag-arte . Marami akong natututunan sa kanya. Parang nadadala rin ako sa drive niya,” ani Devon.
Happy si Devon dahil nagawa niya ang “Bakwit Boys” na kalahok sa 2nd Pista ng Pelikulang Pilipino.
“Sobrang proud ako sa role ko. Ako si Rose Escultura, isa siyang rich country girl, may passion siya sa music, may dala-dala siyang secret sa buhay niya. Siya iyong naka-discover ng talent ng magkakapatid and helped them pursue their dreams,” pagbabahagi niya.
Nakaka-relate rin daw siya sa role niya at sa tema ng pelikula tungkol sa pagpupunyagi ng isang nangangarap na matupad ang kaniyang minimithi sa buhay.
“Nakaka-relate ako sa part na galing siyang banda. May pangarap siya sa music niya na hindi natuloy. Galing din akong banda pero hindi iyong bandang-banda. Actually, it’s with my sisters. Bata pa lang kami noon. Iyong sister ko ang drummer. Wala kaming budget pang-practice o pang-rent. Mas malaki pa ang gastos namin sa praktis. Nakatugtog din kami noon para sa isang birthday and then sobrang liit lang ng bayad pero we did not mind kasi happy kami with the experience na tumutugtog sa harap ng tao,” aniya.
Sa “Bakwit Boys,” muling nabuhay ang pagkahilig ni Devon sa musika.
“Wala akong professional training sa voice lessons. Wala talaga akong training pero mahilig talaga akong kumanta. Marami akong kinanta rito. Actually, hindi lang kakanta, tutugtog din ako ng gitara rito. Actually, tumutugtog talaga ako ng gitara noong bata pa ako. Ngayon lang siya bumalik, noong in-offer sa akin ni Direk iyong role,” pagtatapos niya.
Dalawa ang leading men ni Devon sa “Bakwit Boys.” Ang Hashtag na si Nikko Natividad at ang magaling na theater actor na si Vance Larena.
Mula sa direksyon ni Jason Paul Laxamana, kasama rin sa cast sina Ryle Santiago at Mackie Empuerto ng TNT boys.