
Benjamin Alves lookalike? Junjun Quintana reacts to fans’ confusion
Balik ang Gawad Urian best supporting actor (Philippino Story) na si Junjun Quintana sa ika-14 na edisyon ng Cinema One Originals ngayong taon.
Kasama siya sa cast ng “Paglisan,” isang animated drama musical.
Ginagampanan ni Junjun ang role ni Paul, na super fan nina Donna Cruz, Regine Velasquez at Mikee Cojuangco.
Ayon pa kay Junjun, sobrang na-enjoy niya ang paggawa ng animation dahil lahat daw naman tayo ay may pusong bata sa totoong buhay.
“Enjoy siya. Actually, first time ko itong gumawa ng animation. Sa totoo lang, parang naglalaro lang kami kasi wala naman kaming sinusundang animation. Ang challenge rito ay para doon sa mga animators namin, sila iyong nag-a-adjust sa amin. Sila iyong nag-create at nag-recreate ng emotions ng mga characters at kung paano ba ang magiging facial expressions namin,” sey niya.
Hiningan din namin siya ng pahayag ukol sa isyung lookalike niya ng Kapuso actor na si Benjamin Alves.
Ayon sa kanya, madalas nga raw siyang mapagkamalang si Benjamin at may mga pagkakataong may naku-confuse raw sa kanilang dalawa.
“Kami ni Ben, magkakilala kami nang personal. Matagal na kaming magkaibigan. Tinatawanan lang niya iyong ganoon kapag may nagsasabing may anggulong magkahawig kami. Actually, naniniwala nga siya na magkahawig kami,” aniya.
“May mga pagkakataong may naku-confuse lalo na kapag may mga fans na nagpapa-picture o kaya’y nagpapakilala,” dugtong niya.
Gayunpaman, hindi raw naman siya nao-offend kung napagkakamalan siyang si Benjamin.
“Actually, it’s a compliment for me. He’s a good friend of mind. He’s also a good actor. It’s actually a compliment para sa akin na maihambing iyong physical features ko sa kanya o medyo magkahawig kami.
“Mabuting kaibigan si Ben and I’m very much happy for him at sa mga nangyayari sa kanya,” paliwanag niya.
Isang happy family man si Junjun at low profile siya pagdating sa kanyang pribadong buhay.
“Ayoko kasing mag-entertain ng idea na lahat ng bagay kailangang i-share mo sa publiko. May mga bagay na kailangang itira mo rin para sa sarili mo. Pagdating sa family, medyo pribado lang ako. Mas maganda na iyong achievements mo na lang ang mapag-usapan,” aniya.
Proud daddy din siya sa kanyang daughter na si Chloe Maureen na malapit nang mag-isang taon sa isang non-showbiz girlfriend.
“Iba kasi kapag tatay ka na,” aniya.
“May sense of direction ka na and you become a better person. Iyong anak mo, siya iyong nagiging inspirasyon sa araw-araw kung bakit kailangan mong magsikap at magtrabaho,” pagtatapos niya.
Kasama ni Junjun sa “Paglisan” sina Eula Valdes, Ian Veneracion at Khalil Ramos.
Ang “Paglisan” ang ikalawang Cinemaone Originals movie ni Carl Papa na ang animated feature film na “Manang Biring” ay nagwaging best picture noong 2015 sa kaparehong film fest.