
Betong Sumaya considers his role in ‘Bubble Gang’ career-changing
Napakalaki nang nagawa sa career ng magaling na comedian at TV host na si Betong Sumaya at ng kanyang exposure sa longest running Kapuso comedy sketch gag show na “Bubble Gang”.
“After Survivor Philippines, ito iyong biggest break ko. Siya iyong biggest blessing ko. Naisip ko nga noon na talagang gusto kong makasama sa Bubble Gang dahil 1996, college pa ako noon, pinapanood ko na siya”, pagbabalik-tanaw niya.
Ayon pa kay Betong, malaki ang utang na loob niya sa GMA 7 at sa mga creators ng Bubble Gang dahil nabigyan siya ng pagkakataong maipakita ang kanyang galing sa komedya o pagpapakuwela.
“Noon kasi, hindi ko pa alam kung ano iyong career path, kung magho-host ako o aarte. Kaya, napakalaking bagay sa akin na mapasama sa show na dati’y hinahangaan ko lang”, aniya.
Hindi rin niya malilimutan ang role ni Antonietta, ang karakter sa nasabing show na nag-launch ng kanyang career nang bonggang-bongga.
“Memorable sa akin ang character ni Antonietta . Sobrang laki talaga at grabe ang naging tulong niya sa career ko. Nakapag-travel ako abroad at nakapag-show sa ibang bansa dahil sa role kong ito. Nagkaroon ako ng mga commercials dahil din sa kanya at nadagdagan pa ang mga raket ko”, paliwanag niya.
Isa rin daw ito sa pinaka-challenging role na nagampanan niya sa kanyang acting career.
“Sobrang challenging siya sa akin dahil nagkaroon ako ng chance na maka-eksena ang mga bigating kontrabida. Epic sa akin iyong masampal ng bigating kontrabida tulad ni Ms. Cherie Gil at mapagsabihang copy cat. Actually, okay lang sa akin na masampal uli dahil isang malaking karangalan na sa akin iyong makatrabaho sila”.
Hindi rin daw natatakot si Betong na baka hindi na siya makawala o ma-typecast sa character ni Antonietta na siyang hinahanap sa kanya ng mga fans kapag nagkakaroon siya ng mga out-of-town shows.
“Actually, ngayon, meron naman akong ibang role. Doon sa bagong segment na “Ang Biyenan Kong Mamaw” kung saan ako iyong biyenan ni Kuya Bitoy (Michael V) at siya iyong manugang ko, kaya wala akong masyadong Antonietta ngayon so parang pinapahinga muna siya. Siguro at sometime, ibabalik din siya kapag meron na sigurong artistang napapayag na muling manampal sa akin”, ani Betong.
Sa dinami-dami ng roles na nagampanan niya sa Bubble Gang ay inamin naman niyang may pinapangarap pa rin siyang gawin.
“Siguro, iyong role ng superhero rito sa Bubble Gang. Gusto ko rin iyong drama-drama na umiiyak pero comedy kasi ang hirap ng ganoong situwasyon na palalabasin mong nakakatawa”, pahayag niya.
Hindi rin niya ikinaila na may mga pagkakataong nahihirapan siyang umarte kapag may dinadala siyang problema pero nalalampasan naman daw niya ito.
“Kailangang talagang maging propesyunal. Tao lang tayo at minsan ay may pinagdadaaanan pero kailangang isantabi muna ang personal . Walang perpekto sa buhay. Lahat tayo ay merong problema pero iyong pagiging professional dapat ang mauna. Ika nga, the show must go on sa showbiz. Kaya dapat kaya mong i-separate iyong personal na buhay mo sa professional, pero pagkatapos noon, balik na uli sa dati”, pagtatapos niya.
Excited na rin si Betong sa kanilang two-part TV special na iiere sa November 25 at December 2 kung saan magbibigay sila ng tribute sa 21 top Pinoy comedians bilang bahagi ng kanilang ika-21 taong anibersaryo.