
Carmina replaces Kris: Huwag na lang nilang i-compare
Big movie comeback para kay Carmina Villarroel ang kanyang role sa pelikulang “Sunod” na kalahok sa 2019 Metro Manila Film Festival.
Huling filmfest entry niya noon ang “Shake, Rattle and Roll 2” na pinagbidahan niya noong dalaga pa siya kaya aminado siyang na-miss niya ang paggawa ng pelikula para sa taunang piyesta ng pelikulang Pilipino.
Ayaw din niyang isiping blessing in disguise ang hindi pagkakapasok ng entry ng kanyang ninang sa kasal na si Kris Aquino na Kampon na pinalitan ng kanyang pelikulang Sunod.
“I can only speak for my movie Sunod and not for Kampon kasi she’s my ninang. I don’t wanna say anything about that. Pero, sa pagkakaalam ko kasi, may grading system kung sino ang pasok at sino ang hindi. Apparently after Kampon, kami iyong sunod sa grading kaya kami ang ipinalit nila,” kuwento ni Carmina.
Katunayan, hindi raw naman nila pinag-usapan ni Kris ang tungkol sa Sunod pero thankful siya na nag-congratulate ito nang makapasok sila sa magic 8.
Sey pa ni Carmina, since napunta ang slot ng horror movie ni Kris sa kanila at pareho ito ng genre, hindi raw naman ipinapahiwatig nito na ipinamamana na ni Kris sa kanya ang trono para magpaka-reyna sa horror films.
“Hindi naman, pero why not? Nakilala kasi ako ng mga tao na gumagawa ng mga drama films, iyong mga teleserye ko, mga drama. Although, noong bata ako, gumawa rin naman ako ng comedy at horror. At saka malakas akong tumili dahil matatakutin ako, so puwedeng-puwede. Pag sinabi nilang nakakatakot o natatakot, ako na iyon. Huwag namang ma-typecast pero kung iyon ang ibigay sa akin, ok na rin, pero sa status naman ng career ko, kahit saan naman, puwede ako,” paliwanag niya.
Hirit pa niya, ayaw din daw niyang magpa-pressure dahil baka ikumpara siya kay Kris.
“Huwag na lang nilang i-compare,” aniya.
“Kumbaga, iba siya, iba ako, di ba? Wala naman sigurong dapat i-compare because nagkataon lang na parehong horror iyon, esplika niya.
“Ayoko ring isipin ang pressure kasi ayokong maglagay ng pressure sa akin na, ‘Ah, ako iyong pumalit kay Kris Aquino.’ Kasi, wala naman talagang ganoon dahil wala naman akong pinalitan,” pagtatapos niya.
Kabituin ni Carmina sa “Sunod” sina Mylene Dizon, JC Santos, Susan Africa, Krystal Brimner, Rhed Bustamante, Kate Alejandrino at marami pang iba.
Ang “Sunod” ang kaisa-isang horror entry sa 2019 Metro Manila Film Festival na iprinudyus Ten17P at Globe Studios at idinirehe ni Carlo Ledesma, na palabas na ang sa mga sinehan sa buong bansa simula sa araw ng Kapaskuhan.