
Cesar Montano still mum on Sandra Seifert’s alleged pregnancy
by PSR News Bureau
Matagal ng may mga alingasngas tungkol sa relasyon diumano ng premyadong aktor na si Cesar Montano sa dating Miss Philippine Earth 2009 at modelo na si Sandra Seifert. Itinanggi na ni Cesar na may namamagitan sa kanila ni Sandra. Sinabi ng aktor na kung nakikita man silang magkasama ito ay dahil churchmates sila. Napapadalas lang daw ang kanilang mga lakad lalo’t higit parehas silang miyembro na tumutulong sa mga charity works ng Seventh Day Adventist Church.
Pero sa kabila ng pagtanggi ng aktor, hindi pa rin mamatay-matay ang nasabing isyu na nag-uugnay sa kanila. Nito ngang nakaraaang laban ni Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather Jr., may mga kumalat na naman na larawan at balitang magkasama diumano sina Cesar at Sandra sa Las Vegas, Nevada.
Noong May 1, parehong nag-post sa kanilang respective Instagram accounts sina Cesar at Sandra ng mga larawan nila kasama si Manny. Patunay na nanood nga ang dalawa ng naturang laban ng ‘Pambansang Kamao.’ Pero wala silang larawan na magkasama.
Maliban kay Sandra na ayon sa bali-balita ay buntis, may iniuugnay pang isang babae kay Cesar na nagngangalang Katrina Angeles na diumano ay kasalukuyang buntis din at ang aktor ang itinuturong ama. Sa kasalukyan, wala ring pagdi-deny or pag-amin mula kay Cesar patungkol dito.
Ayon pa sa ilang tsismis, pagkatapos daw manood ng laban nina Pacquiao at Mayweather sa Las Vegas, tutuloy raw sina Cesar at Sandra sa Italy kung saan nakatira ang isang kapatid ng aktor at doon na rin daw diumano balak manganak ang beauty queen.
Marami rin sa ating mga kababayan ang nakakita na magkasama sina Cesar at Sandra sa Amerika. Bagamat matagal nang hiwalay si Cesar sa kanyang dating misis na si Sunshine Cruz, hindi pa naa-annul ang kanilang kasal.
Kung papansining mabuti, malaki ang pagkakahawig ni Sunshine kay Sandra. Gaya ng dating misis ni Cesar, maganda rin si Sandra, maputi, seksi at matangkad. Kung totoo man ang nasabing tsismis, hindi na kami magtataka kung magkagusto si Cesar kay Sandra. Ganoon pa man, hangga’t walang kumpirmasyon muka sa aktor o kay Sandra, nanatili pa rin itong tsismis.
Bukas ang Philippine Showbiz Republic (PSR) sa mga panig nina Cesar at Sandra.