
Cherie Gil wants “Bituing Walang Ningning, The Musical” to stop using her famous line
By PSR News Bureau
Sumagot na ang Viva Films sa paghaharang ni Cherie Gil ukol sa pagtatangka ng aktres na pigilin ang paggamit ng pamosong linyang “You’re nothing but a second rate, trying hard, copycat,” na naging dialogue niya bilang si Lavina Arguelles sa pelikulang “Bituing Walang Ningning.” Sinasabi ng kampo ni Cherie Gil na maituturing daw na isang ‘intellectual property’ ng aktres ang pamosong linya kaya’t nagpadala ito ng sulat sa pamamagitan ng kanyang abugadong si Attorney Lorna Kapunan na naglalayong hindi ipagamit ang nasabing sikat na linya sa “Bituing Walang Ningning” musical play.
Ayon sa Viva Films na siya ring producer ng stage play musical adaptation nito, walang karapatan si Cherie na angkinin ang anumang bahagi ng naturang pelikula. Sabi ni Atty. Heather Annang, ang abogado naman ng Viva Films, binili ng Viva ang karapatan sa nasabing kuwento mula kay Nerissa Cabral na isang sikat na manunulat noong dekada 80’s. Kinuha din ng Viva ang serbisyo nina Orlando Nadres para magsulat ng iskrip pampelikula at Emmanuel “Maning” H. Borlaza bilang direktor. Ginampanan lang nina Sharon Cuneta at Cherie Gil ang mga karakter sa nasabing kuwento bilang mga artista. Pero mariing sinabi ng Viva na nakasaad sa batas na anumang naging bahagi ng naturang pelikula ay pag-aari ng Viva kahit pa sinasabi ni Cherie na ang sikat na linya ay kanya umanong ‘adlib.’
Pinabulaanan din ni Direk Maning Borlaza na siya ang nakaisip sa nasabing linya at hindi umano totoong isang adlib iyon mula kay Cherie Gil. Walang intensiyon ang Viva na tanggalin ang nasabing linya sa “Bituing Walang Ningning: The Musical” na nagsimula ng magpalabas noong June 17 sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila at tatakbo mula Huwebes hanggang Linggo, at matatapos sa July 18.
Nang mahingan ng opinyon si Cherie tungkol dito, nag-text ang aktres sa pamamagitan ni Atty. Lorna Kapunan at nagsabing: “Mas magiging maayos at maliwanag ang lahat kung mag-uusap ang magkabilang panig tungkol sa pagki-claim ng nasabing linya.”
Ang pamosong linya na pinag-uusapan ay isa sa hindi malilimutang linya sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino.