
Christian Bautista hones his terpsichorean talent in “Jersey Boys”
Malaking challenge para sa Asia’s Premier Balladeer na si Christian Bautista ang kanyang role sa Tony, Olivier at Grammy award-winning musical na “Jersey Boys.”
“Sa lahat kasi ng musical na nagawa ko, siya ang physically demanding,” aniya.
Aminado rin siya na hindi siya isang professional dancer, pero kailangan niyang magsanay sa pagsasayaw bilang paghahanda sa kanyang role bilang Bob Gaudio sa brand new version ng nasabing musical.

“Hindi naman talaga ako isang dancer. All my life hirap na hirap ako sa dancing pero kailangang gawin ko kasi iyon ang required ng role ko,” pahayag niya.
Interesting din para kay Christian ang buhay ni Bob Gaudio, ang singer-songwriter at keyboardist ng The Four Seasons, ang iconic rock group na sumikat noong ‘60s.
“ I have to work triple time noong nagre-rehearse kami para sa show namin, pero okay lang siya. We have all naman our share of strengths and weaknesses, pero hindi naman iyon dahilan para ma-limit na iyong artistry (natin),” sey niya.
Kakaibang ‘fulfillment’ din ang ibinibigay kay Christian ng pagpe-perform sa stage.
“Gusto ko iyong proseso, iyong immersion at iyong discipline. I like performing live. I like the energy that you feel performing live. I learn so much doing theater that’s why I encourage every artist to try theater kahit once kasi madaming matututunan,” paliwanag niya.

Bilang paghahanda sa kanyang role, nag-research din si Christian tungkol sa buhay ni Bob.
“Nakatulong iyong mga old video clips at iyong interviews ng grupo na napanood ko. Pati iyong accent niya, inaral ko para close iyong portrayal ko sa kanyang real-life character kasama na iyong nuances niya,” ani Christian.
Noong tinanggap din daw niya ang role, hindi siya naging conscious kong gaano kalaki ba ang magiging exposure niya sa pinag-uusapang musical event of the year.
“We worked toward a common goal. Basta united kami at nagtutulungan,” deklara niya. “Hindi rin kami nahihiya to really help each other,” pagtatapos niya.
Ilan pa sa musicals na nagawa ni Christian ay ang “West Side Story”, “Rama Hari”, “Cinderella” at “Ghost: The Musical.”
Nakasama rin siya ang kanyang fellow Stages talent at paboritong leading lady na si Karylle sa “Kitchen Musical” na ipinalabas sa iba’t-ibang bansa sa Asya.
Bukod sa “Jersey Boys”, kasama rin si Christian sa cast ng reboot ng Kapuso fantaseryeng “Encantandia” bilang Apitong. Isa rin siya sa mga judges ng GMA-7’s Pinoy reality show na “Superstar Duets” na iniho-host ng Jennylyn Mercado.
Mula sa Atlantis Theatrical Entertainment Group, ang “Jersey Boys” ay mula sa direksyon ng acclaimed theater director na si Bobby Garcia.
Tampok din sa cast sina Nyoy Volante bilang Frankie Valli, ang bokalista at frontman ng pamosong grupong The Four Seasons, The Voice finalist na si Nino Alejandro bilang Nick Massi, ang bassist, at singer-actor na si Markki Stroem bilang Tommy DeVito, ang founding member ng banda.
Ang “Jersey Boys: The Musical” ay mapapanood sa Meralco Theater hanggang Oktubre 16.