
Closed chapter na iyon—Wilbert-Mader Sitang issue
Sa pakikipag-usap namin sa dating Mr. Gay World-Philippines na si Wilbert Tolentino, sinabi niyang aprubado na ng Bureau of Immigration ang pagiging blacklisted ng Thai internet sensation na si Mader Sitang na sumikat sa kanyang mga viral video sa Facebook.
Pina-process na raw ang paglabas ng mga dokumento mula sa BI, pero aniya, gusto niya nang kalimutan ang masaklap na naging karanasan niya kay Mader Sitang, kahit na umabot sa P20 million ang nawala sa kanya dahil sa mga panloloko umano nito sa kanya.
“Closed chapter na iyon, hindi magandang alaala yun… ibaon na natin sa limot, mag-move on na tayo,” sabi ni Wilbert.
Pero ibinulgar ni Wilbert na hindi totoong abogado si Mader Sitang. At wala raw katotohanan na siya mismo ang nagsasabi na isang abogado si Mader Sitang, at wala rin daw siyang sinabi na nag-donate ito ng malaki sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda.
“Ako kasi ang tinuturo sa social media na ako naman daw ang nagpakalat na lawyer siya, tumutulong sa Yolanda victims. Bago ko pa siya nahawakan, talagang kumakalat na ganu’n na nga ang news niya, na siya nga raw po ang lawyer, which is hindi pala. Actually, parang sindikato siya. Pinagtripan ako, e. Parang naghahanap siya ng malaking isda na may kumuha sa kanya, which is isa ako sa nabiktima.”
Nanghingi naman daw ng sorry sa kanya si Mader Sitang.
“Actually nanghingi siya ng sorry, hindi ko na inano eh, at tsaka marami na talaga ang nag-unfollow sa kanya noong nalaman na ang nangyari.”
Samantala, mas pagtutuunan ngayon ni Wilbert ang bago niyang business with a cause, ito ngang UBC Shopping Is Helping, na isang online tambayan ng mga Pinoy kung saan mabibili ang iba’t ibang produkto mula sa beauty, skin care, hair, cosmetics, fashion and accessories.
“Everytime you go shopping at UBC store, you are extending a helping hand to the needy. Proceeds from sales will go to chosen charitable institution or cause-oriented project,” aniya pa.