
“Coco and I had to double our efforts to make this tandem work.” – Toni Gonzaga
PSR News Bureau
Dumalo ang Phillipine Showbiz Republic (PSR) sa isang conference para sa pelikulang “You’re My Boss” noong March 28, 2015, Sabado ng alas-tres ng hapon na ginanap sa Fairview Terraces Garden, Quezon City.
Ang nasabing press conference ay pinangunahan ng mga lead stars ng nasabing pelikula na sina Coco Martin at Toni Gonzaga kasama ang director nito na si Antoinette Jadaone.
Isinabay rin sa nasabing conference ang grand fans day ng ilan sa mga artists na bumubuo ng OPM Fresh, isang album mula sa pinagsamang music genre ng Star Music Philippines. Ilan sa mga nag-perform para sa nasabing OPM Fresh grand fans day cum “You’re My Boss” conference ay sina Marlo Mortel, Jacob Benedicto, Magno Twins na sina MM at MJ Magno at si Kaye Cal.
Naghandog ng ilang awitin ang mga nasabing artists mula sa kanilang album na OPM Fresh. Ito ang grupo ng Star Music na equivalent ng Star Magic kung saan sila nagde-develop ng mga bagong mangaawit sa iba’t-ibang genre.
Nabulabog naman ang Fairview Terraces Garden nang dumating na sina Coco Martin at Toni Gonzaga. Walang humpay na hiyawan at tilian ang fans nang makita ang mga bida ng pelikulang “You’re My Boss.” Naghandog ang multi-media artist na si Toni Gonzaga ng awitin niyang “Catch Me I’m Falling.” Hindi naman nagpatalbog ang tinaguriang ‘prime time king’ na si Coco Martin dahil nagpaunlak rin ito ng isang awitin. Bagamat hindi isang mangaawit, naitawid nito ng maayos ang kanta ng bandang Orange and Lemons na “Hanggang Kailan.” Kinanta na rin ito ng aktor sa pelikulang ginawa nila dati ni Julia Montes na “A Moment in Time.”
“Hirap na hirap ako mag-comedy pero madami akong natutunan. Sandata narin ito para sa future project. Napa-frustrate ako dahil baka hindi ko madeliver ito ng tama at si Toni sobrang effort ang ginawa nya para suportahan ako, parang hinulma nya ako e,” bungad ni Coco matapos siyang kumustahin sa kanyang pagsabak sa isang romantic-comedy na pelikula.
Kung naging isang challenge kay Coco ang pagtanggap ng isang rom-com, naging malaking hamon rin naman para kay Toni Gonzaga ang paggawa ng pelikula kasama si Coco. Ito ang kauna-unahang pagtatambal.
“Siguro eto yung pelikula na noong pumasok ako sa set, binagsak ko lahat ng walls ko to work with Coco because it’s my first time to work with him. Wala kaming history at all kahit MMK kahit isang project man lang wala talaga. So I went in to embrace this project also with an open mind na I know na kailangan naming mag-double ng effort to make it work and siyempre. Sa tulong ng aming direktor, naibigay namin ang full trust namin sa kanya to shape us to the characters we’re supposed to be in the film,” paliwanag ni Toni.
Ayon pa kay Toni, naging mahalaga ang komunikasyon sa pagitan nilang dalawa ni Coco, gayundin ang direktor sa pagbuo ng pelikulang ito.
“I guess hindi naman kasi maiiwasan yung pagka-ilang sa isa’t-isa. Sa ganitong romantic comedy, importante talaga yung communication ng dalawang actors to their director because we are very open and very honest pag napa-frustrate si Coco sa eksena. Sinasabi niya kay direk kapag hindi nya makuha, kapag may feeling akong idagdag, isa-suggest ko. I believe at the end of the day it’s a collaboration of group effort but it’s still under the hands of the director and that’s what happened and we’re very happy and we’re very proud sa project na natapos naming,” pagmamalaki pa ni Toni.
Nang matanong ang dalawa kung sa totoong buhay ay meron silang iuutos para isa’t isa gaya ng ginawa nila sa pelikulang sa “You’re My Boss,” natatawang sumagot ang dalawang artista: “Maghubad siya, chos! Agad-agad, overall inspection. Hindi ko alam kung ano ang iuutos ko sa kanya. Hawakan niya yung bag ko. Kahit hindi naman ako gumagamit ng bag,” pahayag pa ni Toni.
“Ipapabuo ko sa kanya yung dictionary. Wala e kailangan ko kasi e, siyempre siya matalino kaya magpapaturo lang tayo pag may time,” pagtatapos ni Coco