May 22, 2025
Coco Martin plays lead in FPJ classic remake of “Ang Probinsiyano”
Home Page Slider T.V.

Coco Martin plays lead in FPJ classic remake of “Ang Probinsiyano”

Aug 31, 2015

arseni@liao

by Archie Liao

probinsiyano Laki sa hirap si Coco at kung anumang tagumpay ang tinatamasa niya ngayon, ito ay bunga ng kanyang mga pagsisikap sa buhay. Nagmula siya sa Pampanga pero lumaki siya sa kanyang lola sa Novaliches hanggang sa madiskubre at mapasok siya sa mundo ng showbusiness. Kaya naman, itinuturing ng Kapamilya ‘Primetime King’ na isa siyang probinsiyano by heart.

Bilang isang probinsyano, ano ang bahagi ng pagkatao mo na ayaw mong mawala sa iyo?

“Siguro, iyong pinagmulan ko. Kasi, iyon ako. Iyong marunong akong lumingon sa aking pinaggalingan. Iyong marunong akong magbalik-tanaw sa mga nagmahal sa akin noong walang-wala ako. Pati na iyong pagmamahal, pagpapahalaga at pag-respeto ko sa aking pamilya,” aniya.

Sa kanyang bagong teleseryeng “Probinsyano,” muli na naman niya tayong pahahangain sa kanyang de-kalibre at makabuluhang pagganap.

Bakit ang pelikula ni FPJ ang naisip mong gawan ng adaptation sa maliit na telon o TV?

probinsiyano 1“Bata pa lang kasi ako, idol ko na si FPJ. Lahat, halos ng pelikula niya, pinanonood ko. At saka si FPJ, idol siya hindi lang ng mga kabataan. Kilala rin siya bilang isang matulunging tao. Marami siyang natulungan at iyong naiambag niya sa industriya, sa pagpapasaya ng mga tao sa pamamagitan ng kanyang mga pelikula at iyong pagtulong niya sa kapwa, iyon ang hinahangaan ko sa kanya na gusto kong tularan. Nanghihinayang nga lang ako na hindi ko siya nakilala nang personal. Sayang, sana kung nakatrabaho ko siya, sana nakakapag-usap kami sa maraming bagay at marami akong natutunan sa kanya. Pero masaya na rin ako dahil nariyan naman ang Tita Susan [Roces] na labis-labis ang ibinibigay na suporta sa proyektong ito,” bulalas niya.

Bakit ang “Ang Probinsiyano” ang napili mong gawin sa dinami-dami ng naging pelikula ni FPJ?

“Noon kasing nag-usap kami ni Ma’am Charo (Santos), sabi niya, gusto raw niyang gumawa kami ng isang proyektong magpapakita ng kabayanihan ng mga kapulisan tulad na lamang noong istorya ng isa sa SAF 44 na ginawa ko sa MMK. Noong pinanood namin iyong pelikula, na-entertain kami dahil medyo kakaiba ang pelikula. Gusto ko rin kasing magbigay ng inspirasyon at tulungan ang ating kapulisan na maibalik ang tiwala at pagmamahal sa kanila ng mga mamamayan. Na sila iyong mga hindi pinapansing mga bayani natin nagtatanggol sa atin, although, meron rin namang ilang corrupt sa kanila na nangyayari naman kahit saang organisasyon,” lahad niya.

Bilang paghahanda sa kanyang papel bilang pulis, aminado si Coco na nahirapan siya sa immersion sa kanyang role.

“Bago kasi kami sumabak sa shoot, nag-undergo talaga kami, iyong cast at crew ng training para kabisado na namin kung paano ba sila, iyong mga routine nila, iyong mga ginagawa nila para naman maging makatotohanan. Bukod sa mga drill, target shooting, paghawak ng baril, nag-praktis talaga kami. Pati, iyong pagpapakalbo, ginawa namin, para maramdaman namin kung ano ba talaga ang mundo ng isang pulis. Inaral rin naming iyong buhay ng isang pulis mula sa pagiging estudyante hanggang maging miyembo ng kapulisan. So pagdating ng shoot, wala nang gaanong problema,” paliwanag niya.

Itinuturing rin ni Coco na isang malaking karangalan na pagkatiwalaan siya ng Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Susan Roces ng isang proyektong tulad ng “Ang Probinsyano” na nakasama na niya sa mga top-rating at phenomenal na teleseryeng “Walang Hanggan.”

“Sabi niya sa akin, huwag ko raw gayahin si FPJ. Alam naman natin na walang katulad si FPJ, action legend siya at ako naman ay dramatic actor. Kaya, siguro, nasabi ni Tita Susan iyon dahil gusto niyang i-enjoy ko iyong role ko para hindi ako ma-pressure at mabigyan ng kakaibang approach iyong role ko rito sa “Probinsiyano”, sey niya.

Ayon pa kay Coco, hindi niya gagayahin ang mga signature punches ni FPJ na naging tatak sa kanyang mga pelikula, bagkus ay gagawin lang niya ang kanyang magagawa sa abot ng kanyang makakaya para mabigyan ng hustisya ang papel na minsang pinasikat ng namayapang Hari ng Pelikulang Pilipino.

Gagampanan ni Coco ang papel nina Ador at Cardo , ang kambal na pinaghiwalay ng tadhana ngunit pinag-isa ng kanilang pangarap na makapaglingkod sa bayan bilang mga pulis.

Tampok sa powerhouse cast ang ilan sa pinakamagagaling na artista ng industriya na sina Albert Martinez, Agot Isidro, Maja Salvador, Arjo Atayde, Bela Padilla, Jaime Fabregas at Susan Roces.

Mula sa pagtutulungan ng Dreamscape Entertainment Television at ng FJP Productions at sa direksyon nina Malu Sevilla at Avel Sunpongco, ang “Ang Probinsyano” ay mapapanood na ngayong Septiyembre sa Primetime Bida.

Leave a comment

Leave a Reply