
Coco reacts to Vice’s number one claim: Wala namang issue
Sabi ni Vice Ganda, nagkausap daw sila ni Coco Martin. At sinabi raw nito sa kanya, na okay lang daw kung maging top grosser sa takilya sa darating na Metro Manila Film Festival 2019 sa December 25 ang movie niya at maging 1st runner-up lang ang movie naman ni Coco na “3pol Trobol Huli Ka Balbon,” na pinagbibidahan nila nina Ai Ai delas Alas at Jennylyn Mercado.
“Honestly, wala namang issue kung sino ang no.1 o no. 2. ‘Di ba parang, iisipin mo pa ba ‘yun. Ang masasabi ko lang, ‘di ba dapat kinakabahan ako ngayon, pero hindi. Ngayon, excited ako. Kasi ‘di ba, kapag maganda ‘yung produkto mo, excited kang i-announce sa mga tao at confident, di ba,” sabi ni Coco nang makausap namin sa presscon ng kanyang MMFF movie.
Patuloy niya, “Kung ako ang tatanungin, ‘Sige! Okay na! Kahit anong number pa kami,’ Basta ang importante, alam ko, pagkatapos nitong Metro Manila Film Festival, proud ako sa ginawa ko, lalong-lao na alam ko, ako ang nagdirek, saka ako ang nagsulat tapos ako ang nag-produce, at alam ko, hindi ako napahiya sa co-actors ko kasi artista rin ako. Alam ko pag pangit ‘yung pelikulang ginawa ko, ang lungkot after. Pero ito, proud ako kaya confident ako.”
Naniniwala ba siya na may obligasyon siya sa mga tao na mapasaya ang mga ito kapag may movie siyang ipinapalabas sa Pasko?
“Opo! Kasi ginagawa naman namin ito para sa mga tao, eh,” sagot ni Coco.
“Unang-una, siyempre, sabi ko nga po, sana ‘yung ibabayad ng mga tao, sa hirap ng buhay na pinagdadaanan natin ngayon, sulitin natin. Sisiguraduhin natin na lalabas sila ng sinehan na masaya sila. Sa hirap kasi ng pinagdaraanan natin ngayon, minsan ang mga Pilipino, isang beses na lang kung manood ng sine sa loob ng isang taon, dahil sa mahal (ang bayad) tapos magko-commute pa sila, at kakain pa. Napakaswete na lang kung maisasama pa nila ‘yung pamilya nila.
“Pero dahil nakagawian na nating manood ng pelikula tuwing Pasko, dapat talaga, sulitin na natin ‘yung ibibigay natin sa kanila. Kaya talagang pinaganda namin itong pelikula namin.”
Ipinaliwanag ni Coco kung bakit sina Ai Ai at Jennylyn ang pinili niyang makasama sa movie.
“Bago ko inisip na gawin itong pelikula, inisip ko muna kung sino ang kukunin kong mga artista. Sabi ko, sino pa kaya ang hindi ko pa nakakatrabaho? Kasi mahilig ako sa kumbinasyon, eh. Gusto ko, sasabihin ng mga tao, ‘Uy, mapapanood ko sila!
“Si mommy AI kasi, hindi ko pa nakatrabaho. Kaya ako mismo ang nag-approach sa kanya. Ako mismo ang nag-present sa kanya ng konsepto, na tungkol sa mag-nanay, ganu’n-ganun. At si Jen naman, nakatrabaho ko na siya before, kilalang-kilala ko na siya. Pero siyempre, iba, kapag nakasama mo ang princess ng GMA 7 at isa sa pinakamaganda at pinakamagaling na artista, At saka in terms of business, kailangan ko sila. Kaya ako mismo ang lumapit sa kanila para mabuo itong pelikulang ito,” pagtatapos ng producer.
Mapapanood sa December 25 ang “3pol Trobol” sa lahat ng sinehan sa bansa.