
Comedian & director Dinky Doo hates drugs, finds leading lady for new film
Marami na ngang nabago sa buhay ni Dinky Doo mula nang isuko na niya sa Diyos ang buhay niya. Aminadong napariwara at naligaw ng landas dati pero ang lahat ng mga ito ay tinalikuran na niya at naging matuwid na ang kaniyang buhay.
Sa kaniyang pagbabago ay wala siyang hinangad kundi makapagpabago rin ng buhay ng iba lalo na ang mga taong nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Isa nga sa adbokasiya ng magaling na komedyante ay ang mapalaganap ang masamang epekto ng droga at mabuting magagawa nito kapag ito ay nilayuan at iniwasan.
Sa katunayan para sa lalo pang kamalayan sa kaniyang layuning mailayo sa masamang droga ang tao ay gumagawa siya ng mga pelikula patungkol dito. Nauna na rito ang D.A.D na tinampukan nina LA Santos, Nina at Rey “PJ” Abellana. Malaki ang naitulong ng pelikula at naipaabot nito sa mga tao ang maganda nitong layunin.
Siyempre, hindi nagtatapos sa DAD ang lahat dahil may kasunod na agad ito. Malapit na kasing mag-shooting ang next project ni Dinky na sa pagkakataong ito ay hindi lang siya direktor kundi siya pa ang bida sa pelikula. May pamagat itong “My DAD! I Hate Drugs.”
Sa kuwento ng komedyante, maraming malalaking artista na kasama sa pelikula bukod kina Claire Ruiz na leading lady niya, Alysse Montenegro, Marlon Villarojas at Tori Garcia. Speaking of Claire, lahat daw gagawin niya at naka-ready na kahit pa sa kissing scene nila ni Dinky.
************
Kung feel niyong manood ng horror-suspense na pelikula ay inirerekomenda namin ang “The Lease” na pinagbibidahan nina Garie Concepcion at ng award-winning filmmaker na si Ruben Maria Soriquez II.
Maraming eksena sa pelikula ang kagulat-gulat at nakakasindak. Mapapasigaw ka sa sa pelikulang ito. Kung papanoorin mo ito ay kailangang may kasama ka dahil sa maraming nakakatakot na mga eksena.
Ang “The Lease” ay unang pelikula pala ni Garie pero napakahusay ng kaniyang pagkakaganap. Sabi nga ni Ruben, “She is professional, magaan katrabaho at mahusay.”
Pero hindi rin nagpatalbog ang kasama nilang child actor na si Harvey Almineda, 11-year old kid na nahasa na rin sa mga nasalihang drama anthologies, gumaganap siyang anak nina Garie at Ruben. Mahusay ang bagets, guwapo, matangkad, he has the makings of a future matinee idol.
Tubong Cabanatuan, Nueva Ecija si Harvey at dumaan siya sa audition kaya nakuha siya sa pelikula. Sa kuwento ng bata nang mainterbyu namin ay sobrang nag-enjoy siya habang ginagawa nila ang pelikula kaya naman nasabi niyang suwerte siya at napasama siya sa pelikula.
Showing na sa mga sinehan sa July 25 ang “The Lease” na idinerehe ng Italian director na si Paolo Bertola at kahit dayuhan, Pinoy na Pinoy ang pelikula.