May 23, 2025
Comedian Jobert Austria wants John Lloyd Cruz to portray his life story
Latest Articles

Comedian Jobert Austria wants John Lloyd Cruz to portray his life story

Feb 27, 2019

Bago naging artista, nagtrabaho muna bilang isang company driver ang komedyanteng si Jobert Austria. At hindi naman pala niya pinangarap na pasukin ang showbiz.

“Mahiyain kasi ako, eh. Hanggang ngayon, mahiyain pa rin ako. Pero pag kailangan, trabaho ko na yan, eh,” natatawang sabi ni Jobert.

Ikinwento ni Jobert kung paano siya napasok sa showbiz, ‘yun daw ay dahil sa Youtube.

“Yung kaibigan ng anak ko, sabi niya, Tito Jobert, kunan kita, huh! Sabi ko, Ano yun? Basta sisikat ka. Youtube ‘yun. Sabi ko, wala akong alam dun, hindi ko alam yun. Pero sabi ko, sige,” kwento nya.

‘Yung video na kinunan kay Jobert ay ‘yung habang kumakain siya ng cornick, ay tumatalsik ito sa bibig niya.

“Napanood ‘yun ng ABS-CBN. Nag-message sila sa Youtube. Kung gusto ko raw mag-artista.  Ayun, kinuha na nila akong artista.”

Pero hindi sa mismong Kapamilya network unang nagkaroon ng show si Jobert, kundi sa sister company nito na Studio 23, titled Usapang Lalaki, na isang gag show.

“Nakasama ko ru’n sina Boom Labrusca, Arran Sese at Alex Calleja.”

Ang unang regular show naman ni Jobert sa ABS-CBN 2 ay ‘yung Banana Split, na later on ay pinalitan ang title, naging Banana Sundae, na napapanood tuwing Linggo ng hapon after ASAP Natin ‘To.

Samantala, hindi naman dinidinay ni Jobert na minsan ay napariwara ang buhay niya, dahil sa paggamit ng bawal na gamot. Na dumating sa puntong tatalon siya dapat sa isang hotel building, dahil wala siya sa sarili sanhi ng paggamit ng droga.  Mabuti na lang at napigilan siya.

“Afer nu’ng tatalon ako, sinundo na ako du’n, eh.  Sina Direk Bobot (Edgar Mortis), ‘yung tumulong sa akin, dinerecho nila ako sa rehabilitation center. Nag-stay ako roon ng 8 months.”

After ma-rehab, tuluyan na ngang nagbago si Jobert, tinalikuran niya na ang kanyang dating masamang bisyo.

“Apat na taon na akong clean. Nasa ‘yo rin talaga, eh (kung gustong magbago). Hindi ako naniniwala na..actualy ‘yung rehab, para lang ‘yun na magpahinga ka. Pero ‘yung babalik ka, nasa ‘yo pa rin ‘yun.”

Ano ang natutunan niyang lesson pagkatapos niyang tumigil sa paggamit ng droga?

“Natutunan ko siguro, huwag mong sayangin yung buhay mo sa walang kakwenta-kwentang bagay.  Ang mga tao naman hanggat hindi sumasadsad, hindi matututo yan, eh. Ako after kong masadsad, natuto na ako sa mga pagkakamali ko.”

Kung sakaling isasalin sa Maalala Mo Kaya ang buhay niya, sino ang gusto niyang gumanap?

“Si John Lloyd (Cruz) sana, eh,” natatawang sagot ng komedyante.

“Nung nasa Home Sweetie Home (ang sitcom na magkasama rati sina John Lloyd at Jobert) pa kasi siya, sabi niya sa akin, kung ii-MMK ang buhay mo, ako ang gaganap, huh!”

May communication pa ba sila ni Lloydie?

“Minsan nagti-text-an kami, nagkakamustahan, ganoon.”

May pelikula ngayon si Jobert titled Familia Blondina na katambal niya si Karla Estrada.

Showing na starting today.

Leave a comment