
Coun. Jericho Aguas, Jaycee Parker to tie the knot in Pampanga
Finally, ikakasal na rin ang aming kaibigang si Jaycee Parker kay Angeles City Councilor Jericho Jenasky Aguas sa August 19, sa King’s Royale Promenade sa Bacolor, Pampanga.
Ang tagal rin ang hinintay niya bago siya lumugar sa tahimik. Early this year, nakasama ko pa siya sa isang out of town project at ang dami naming napagkuwentuhan.
Wala pa sa isip niya na magpakasal pero nasabi niya sa amin na gusto niyang magka-anak muna. Pero hindi mo alam talaga ang tadhana at anong kapalaran ang naghihintay sa iyong buhay.
Hindi na kami nagulat na inanunsiyo na nga nina Jaycee at Jericho ang nalalapit na nilang pagpapakasal.
Dumaan man sa maraming pagsubok ang kanilang relasyon ay napatunayan naman nila ang kanilang tunay at wagas na pagmamahalan kaya humantong na sila sa isang panghabambuhay na pagsasama.
Bilang isang kaibigan ni Jaycee, wala siyang inilihim sa amin sa kaniyang naging relasyon kung paano nagsimula, nagpatuloy at napagtagumpayan ang pagsasama nila ng kaniyang magiging lifetime partner.
Ang dami naming kuwentong nalalaman sa pinagdaanan ni Jaycee sa relasyong minsan ay pinagdududahan ng nakakarami pero pinatunayan niya ang kaniyang malinis na intensiyon kaya naging maayos ang lahat.
In fairness, naging maganda rin ang naging samahan nila ng namayapang asawa ni Jericho na si Isabel Granada.
Ngayong ikakasal na siya sa kaniyang man of her life ay binabati namin siya at sana gaya ng kaniyang pangarap na magka-anak ay sana makabuo sila agad ng isang pamilya kasama ang anak ni Jericho kay Isabel na si Hubert.
Siyempre pa, isang masaya at forever na pagsasama ang ilan pa sa mga wish namin sa soon to be Mr. and Mrs. Aguas.
Siyangapala, siguradong star studded ang kasalang magaganap dahil sa dami ng showbiz friends ng dalawang personalidad.
Kumpirmado at kabilang sa mga ninong nila ay sina Bureau of Corrections Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, Senator Lito Lapid, at former Ilocos Sur Governor Chavit Singson.
(Photos by: niceprintphoto)