May 23, 2025
ON COVER: Direk Arlyn dela Cruz, her new film and Baron’s urination controversy
Latest Articles

ON COVER: Direk Arlyn dela Cruz, her new film and Baron’s urination controversy

Mar 21, 2017

Pagkatapos maghatid ng mga napapanahong pelikulang “Maratabat”, “Tibak” at “Mandirigma” ng beteranang journalist turned filmmaker na si Arlyn dela Cruz, muli na naman niya tayong pahahangain sa kanyang pinakabagong obrang “Bubog” (Crystals) na tumatalakay sa kontrobersyal na tema ng talamak na droga sa bansa.

Matatandaang naging usap-usapan ang isyu ng pag-ihi ni Baron Geisler sa kanyang co-actor na si Ping Medina nang wala sa iskrip sa nasabing pelikula noong nakaraang taon.

barongeisler_21_3_2017_16_37_29_129
Photo from Baron’s instagram account

Paglilinaw ni Direk Arlyn, hindi raw gimik ang nangyari para pag-usapan lamang ang kanyang pelikula.

Katunayan, na-ban sa PAMI si Baron bilang parusa at pati si Direk Arlyn ay nadamay sa pangyayari dahil hindi raw umano nito na-control ang kilos ng actor na nasa kanyang direksyon.

Depensa pa ng director, bagamat wala siyang sama ng loob sa PAMI, hindi raw siya kinausap ng nasabing organisasyon ng talent managers at wala raw naganap na miting para papagharapin ang mga sangkot sa insidente para maresolba ang kaso.

“Marami na akong nakatrabahong artista. Marami pa akong gustong gawing pelikula. It would have been better kung kinausap ako, but I will not make any conclusion. I will never cast judgment on anyone without validation dahil wala sa nature ko iyon. Pero so far, happy ako kasi may mga nagpahayag ng messages of support at iyong ibang talent managers, ini-honor ang kanilang commitment sa akin, nagtitiwala at hindi pinu-pull out ang kanilang mga artista,” pahayag niya.

Clueless din si Direk Arlyn kung existing pa ang umano’y ban sa kanya ng PAMI.

“Actually, it’s just a reaction that I heard from them. Hindi ko pa alam kasi wala pa naman akong ginagawang susunod na pelikula,” ani Direk Arlyn.

Sa huling pagkakataon, nilinaw ni Direk Arlyn ang tunay na pangyayari sa likod ng controversial na urination incident nina Baron at Ping.

“Wala talaga  siya sa iskrip. Malinaw ang direksyon ko sa lahat noong ginagawa namin iyong  eksena. Hindi ako nagsho-shoot nang walang monitor. Doon lang ako nag-compromise sa eksenang kukunan sa container van na ginagawa rin naman ng ibang filmmakers. Hindi kasi kami puwedeng mag-drill sa container van at napakasikip niya. Papatayin kasi ni Baron si Ping sa loob sa container van, so moment talaga siya ni Ping at ang makikita lang sa eksena ay ang paa ni Baron. Bago rin namin siya kunan, nag-rehearse pa kami pero hindi ako sinunod ni Baron at hindi ko iniutos sa kanya na ihian niya si Ping,” pagbabalik-tanaw niya.

Sa mga nagtatanong naman kung bakit si Ping na umano’y naagrabyado ay kailangang palitan sa cast, ito ang naging pahayag ng lady director.

“Kinausap namin si Ping. Nabalian ng kamay si Ping dahil napasuntok siya dahil sa matinding galit. It would take sometime for him to heal. Nagkasundo naman kami.  Compensated din siya kahit hindi nagamit iyong mga eksenang nakunan sa kanya. Kung uulitin kasi namin iyong eksena, uulitin din naming iyong mga eksena nila ni Baron. So, it was a mutual decision. Nag-reshoot kami. Pinalitan si Ping ng kanyang brother na si Karl Medina who is also a competent actor. Si Baron naman ay pinalitan ni Allan Paule,” kuwento niya.

Sa nangyaring insidente, may napagtanto raw si Direk Arlyn.

“May mga tao kasi na who need validation sa kanilang ginagawa, na minsan innate sa kanila na may gustong ipakita pero sila mismo, hindi nagtitiwala sa kanilang sarili. Gusto nilang pahalagahan sila ng ibang tao pero dapat pahalagahan muna nila ang kanilang sarili,” makahulugang pahayag ni Direk Arlyn.

Tungkol naman sa “Bubog”, ipinaliwanag niya kung bakit ito ang naging titulo ng kanyang pelikula.

“Bubog kasi dahil tulad ng isang bagay na buo na kapag nabasag, hindi na mabubuo pa at puwedeng mag-iwan ng sugat. Bubog kasi dahil it shatters the person and his family. Iyong English title niya ay Crystals which denotes iyong addictive substance, iyong ‘shabu’ at kung paano naapektuhan nito ang isang tao at kanyang pamilya,” paliwanag niya.

Nilinaw din niya na hindi isang propaganda ang kanyang pelikula.

“The film is part expose. It’s about the war on drugs at kung paano nagpapatuloy ang paglaganap  nito dahil sa korupsyon sa kapulisan, sa ating criminal justice system at kung bakit nagpapatuloy ang circle of violence and summary killings sa bansa. Hindi siya pro-Duterte o anti-Duterte. It’s something that we know about the drug situation in the country,” pagkaklaro niya.

Tungkol naman sa pagkuha niya sa mga artistang minsang nasangkot sa droga sa kanilang karera, hindi raw ito sinasadya at masaya siya na nabibigyan ang mga ito ng trabaho.

“Hindi siya sinasadya. Bilang respeto, hindi ko rin sila tinatanong sa naging ordeal nila sa droga, pero I must admit, mas madali silang katrabaho dahil hindi ako nahirapang ipaunawa sa kanila ang kanilang mga roles at ang importante ay nakapagbagong buhay na sila,” pagwawakas niya.

bubog-with-cast-director-and-producer

Mula sa Blank Pages Production at Asian Premier Resources Trading Corporation nina Andrea Cuya at Aya Sycon, ang “Bubog” ay nagtatampok sa powerhouse cast na kinabibilangan nina Julio Diaz, Elizabeth Oropesa, Jackie Lou Blanco, Juan Rodrigo, Allan Paule, Jak Roberto, Kiko Matos, Karl Medina, Janice Jurado, Kristofer King, Menggie Cobarrubias at Chanel Latorre. Introducing din ang promising newcomers na sina Jemina Sy, Raffy Reyes at Belle Dominguez.

Leave a comment