
Cristine Reyes ends relationship with husband? Ara Mina reacts
Balitang-balita na hindi na nag-uusap ang mag-asawang Cristine Reyes at Ali Khatibi.
Katunayan, may mga tsikang posibleng mauwi sa hiwalayan ang pagsasama ng showbiz couple.
May mga alingasngas pa na aspetong pinansyal daw ang puno’t dulo ng hindi pagkakaunawaan ng dalawa.
Ayaw ding magsalita ni Cristine tungkol sa isyung ito pero marami ang naiintriga sa ginawa niyang pag-unfollow sa Instagram account ng asawa na kinalauna’y nag follow ulit ang aktres.
Lalo tuloy napagtibay ang mga haka-hakang ‘on the rocks’ na ang marriage ng mag-asawa.
Sa kontrobersyang ito, nahingan namin ng pahayag si Ara Mina tungkol sa tunay na estado ng pagsasama ng kanyang kapatid at ni Ali.
“You know me naman, as much as possible, kung hindi ako hihingan ng advice, ayokong makialam,” sey niya.
“Actually, nag-text ako pero hindi siya sumagot. Iyong isa tungkol sa family outing at iyong isa, iyon na nga. Ini-skip niya iyong isa so, sabi ko, hindi na ako mangungulit,” dugtong niya.
Dagdag pa niya, nagkaroon daw naman siya ng pagkakataon na maka-bonding si Cristine pero wala raw naman itong masyadong nai-open up sa kanya tungkol sa mister.
“It’s actually a girl’s outing. Wala rin nga iyong asawa ng isang sister ko. Hindi nga ako aware na in-unfollow pala niya si Ali,” hirit niya.
Para sa kanya, naiintindihan niya ang pinagdaraanan ng nakababatang kapatid dahil siya man ay dumaan na sa iba’t-ibang unos ng pag-ibig.
“Normal lang minsan na nagkakatampuhan sila pero naayos din naman iyon,” bulalas niya.
Bilang nakatatandang kapatid, suportado raw naman niya si Cristine pero hangga’t maaari ay ayaw niyang makialam sa usapin ng puso.
“Alam mo naman iyon, hindi rin siya mahilig mag-open up. Ako naman, I respect iyong space niya. Pero, narito lang naman ako para magbigay ng moral support sa kanya. Kung ready na siyang pag-usapan, narito lang ako,” aniya.
“Tingnan na lang natin. Better na siya na lang ang sumagot kung bakit in-unfollow niya ang asawa niya,” pahabol niya.
Nagbigay din siya ng unsolicited advice sa kapatid.
“Ang unsolicited advice ko sa kanya, kung saan siya maligaya, doon siya. Kung ano ang tama, doon siya,” saad niya.
Speaking of Ara, magsasagawa siya ng fun run na ‘tARA na sa ARenA 2018” na nakatakdang gawin sa May 27 sa Philippine Arena.
Layunin nitong makalikom ng pondo at matulungan ang mga batang may down syndrome.
Malapit sa puso ni Ara ang adbokasyang ito dahil may down syndrome rin ang kanyang nakababatang kapatid na si Batching (Mina Princess Klenk).
“Mahirap ang kanilang situwasyon at kailangan nila ng kalinga at pang-unawa. It’s also an awareness campaign para sa mga magulang at mga kapatid kung paano nila aalagaan ang mga taong may down syndrome na very useful naman dahil ang iba sa kanila ay nagtratrabaho na, naka-graduate na at maraming special skills,” paliwanag niya.
Matatandaang noong 2006, unang nakalikom ng pondo si Ara para sa kahalintulad na proyekto sa pamamagitan ng isang concert sa Araneta Coliseum.
Panalangin ni Ara na maging successful ang fun run para marami pa siyang magawang proyekto para sa mga special children.
Tatakbo si Ara kasama ang ilang celebrities at participants paikot ng makasaysayang Philippine Arena.
Para sa mga interesado, puwede kayong mag-register online at www.runrio.com or at the following registration sites: Toby’s Sports, Hazelberry Café and Philippine
Arena.
Beneficiary ng project na ito ang Down Syndrome Association of the Philippines.