
Daniel says he’s secure with Kathryn
Produced by Star Cinema, muli na namang magpapakitang gilas ang Teen King na si Daniel Padilla sa pelikulang “Can’t Help Falling in Love” ni Mae Cruz Alviar.
“In terms of maturity, iba naman iyong maturity ng character noong sa “Barcelona” sa “Can’t Help Falling in Love.” Mas magaan ang karakter ko rito. Iyong sa Barcelona, serious film siya dahil working siya para tulungan niya ang kanyang pamilya. Dito, happy-go-lucky ako na puro travel lang. Tipong preppie. Mas may kilig pero kahit may kilig, hindi nawawala ang lalim,” pagkukumpara niya.
Nakaka-relate rin daw siya sa character ni Dos Gonzales sa pelikula.
“Masayahin siya. Parang ako sa tunay na buhay, pero mas magulo ako nang konti. May maturity siya in terms of decision making, tackling problems about love and about family,” aniya. “I guess, nandoon na kami sa edad na iyon na hindi na namin kayang dayain, kaya lalabas siya naturally,” pahabol niya.
Bilang paghahanda sa kanyang role at sa mga piling eksena sa pelikula, nag-aral ng scuba diving si Daniel.
“Bago kami nagsimula, talagang pinag-training kami. Nag-aral kami ng scuba diving ni Kathryn,” pakli niya.
Enjoy din siya sa kanyang experience sa Moalboal sa Cebu kung saan kinunan ang ilang underwater scenes nila.
“Never kong naisip na gagawin ko iyon so, to me, it’s a first. Marami akong na-experience sa nature. Doon sa underwater, na-amaze ako sa nakita kong corals at iba’t-ibang klase ng fish at sea creatures na iba-iba ang kulay, so thrilling siya. Nag-cliff diving din kami, so, ang saya,” sey niya.
Nilinaw naman ni Daniel ang ibig sabihin ng exclusivity ng relasyon nila ni Kathryn.
“Exclusive kami sa isa’t isa sa personal pero pagdating sa trabaho, hindi siya ganoon. Darating din kasi sa point na may makakatrabaho rin kaming iba,” paglilinaw niya.
Pagtatapat pa ni Daniel, okey lang sa kanya na ipareha si Kath sa iba lalo na’t napabalita ring may gagawin silang movie ni Sarah Geronimo.
Wala rin daw siyang pinagseselosan o ipinagbabawal na makatambal ni Kathryn para kanyang ika-insecure.
“Okey lang sa akin na ipareha siya sa iba, basta huwag lang silang magkakamali,” pabirong pahayag ni Daniel. “Pag ganoon kasi, ibang usapan na iyon,” dugtong niya.
Hirit pa ni Daniel, hindi rin siya naniniwalang mabubuwag ang Kathniel sakaling maipareha sila sa iba.
“Sa palagay ko, hindi mangyayari iyon kasi solid naman ang suporta sa amin ng aming fans,” pagtatapos niya.
Kung sakaling magpapa-seksi , naniniwala rin ang Teen King na kailangang trabahuhin muna niya ang pagpapaganda ng katawan bago sumabak dito na malayo pang mangyari.
Ang “Can’t Help Falling in Love” ang pang-anim na taong anibersaryong handog ng Kathniel sa lahat ng kanilang mga fans na tumatangkilik sa kanila.
Ang perfect summer movie na ito ay mapapanood na simula sa Abril 15, Sabado de Gloria, sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa.