
Darren has no plans of courting girls yet
18 years old na si Darren Espanto pero sa pagdagdag ng kanyang edad, mas naging masidhi raw ang pagmamahal niya sa musika.
“Para po sa akin, parang wala namang naiba noong mag-18 ako. For me, I just keep on doing the same things,” bungad niya.
Hirit pa niya, kung meron man siyang ikina-eexcite, ito ay dahil dumating na siya sa edad na puwede na siyang bumoto.
“That’s why, I am also excited,” pakli niya.
Dagdag pa niya, wish din daw niya na mare-invent ang kanyang sarili.
“As I grow older, I wish I could create more mature music,” sey niya.
Bagamat binibigyan na siya ng parents niya ng kalayaan sa ilang bagay, nananatili pa rin daw na kinukunsulta niya ang mga ito.
“Para sa akin, tinatanong ko pa rin iyong mga magulang ko bago magdesisyon sa malalaking bagay,” aniya. “Siyempre as you grow older, naroon iyong responsibilities, kasama po iyan as we really grow as a person,” dugtong niya.
Kahit nasa edad na, wala pa rin daw siyang balak manligaw.
Tungkol naman sa kanila ni Jayda Avanzado, nananatili raw silang matalik na magkaibigan ng anak ng OPM icons na sina Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado.
“Bata pa po kaming parehas.We just like to enjoy our teen years and not rush into things,” paliwanag niya.
Mapapanood si Darren kasama sina Yeng Constantino, KZ Tandingan, Sandwich, Itchyworms, Mayonnaise, IV of Spades,Agsunta at mga sorpresang panauhin sa One Music X Manila, ang pinakamalaking international Filipino music festival na gaganapin sa Nobyembre 22 sa Centris Elements sa Quezon City.
Bagamat nakapag-perform na sa One Music X sa Singapore, kaabang-abang daw ang kanyang mga musical numbers sa Manila leg nito.
“Iyong lineup po rito, iibahin ko rin. I would like to do songs na usually hindi ko ginagawa sa ASAP, like iyong mga rock songs o iyong medyo chill. Iyong mga songs na naririnig po sa akin kasi usually are pop and ballad,” pagtatapos niya.
Ang One Music X na itinatag noong 2017 ng Star Music katuwang ang FM radio na MOR 101.9 For Life, music channel na MYX Philippines, OPM music portal na One Music at ng global multiplatform media hub na The Filipino Channel (TFC) ay naglalayong itampok ang Pinoy talents sa buong mundo.
Maliban sa Singapore, nagkaroon na rin ito ng sold-out concerts sa Dubai at United Arab Emirates.
Para sa mga tickets at karagdagang detalye, bisitahin ang www.ticketnet.com.ph.