
Dennis Padilla appeals to daughter Julia Barretto
Pagkatapos ng presscon ng “The Breakup Playlist” na pinagbibidahan nina Sarah Geronimo at Piolo Pascual ay saka lang nagkaroon ng pagkakataon ang mga press na kausapin si Dennis Padilla na kasama rin sa cast ng movie na idinirek ni Dan Villegas under Star Cinema tungkol sa pagpapalit ng apelyido ng anak na si Julia Barretto.
Ayon kay Dennis ay umaasa pa rin siya sa binitawan daw salita ni Julia na iuurong nito ang petisyon sa korte para tanggalin ang pangalan niya sa pangalan ng young actress. Last April pa nagkausap ang mag-ama tungkol doon pero hanggang ngayon ay wala pa natatanggap na abiso si Dennis mula sa korte kaugnay ng withdrawal sa petisyon ng anak.
Ayon pa kay Dennis, hindi pa raw magawang asikasuhin ni Julia ang tungkol doon dahil sa super busy pa raw ang anak. Ang sabi raw sa kanya ni Julia, hindi pa raw nito nakakausap ang kanyang abogado tungkol doon. Pero sa tingin ni Dennis, magagawa raw ni Julia na kausapin ang kanilang abogado kung nanaisin lang nito.
“Puwede naman yung maayos sa pamamagitan lang ng tawag sa telepono. Hindi ba’t pag gusto maraming paraan, kapag ayaw, madaming puwedeng idahilan,” sabi pa ng komedyante na sa pagkakataon na ito’y seryoso sa kanyang pag-apela sa kanyang anak.
Dahil ilang buwan na ang lumipas mula nang sila’y nagkausap na mag-ama, iniisip tuloy ni Dennis na baka naman nagbago na ng desisyon si Julia. Nasa hustong gulang na kasi ang anak at magagawa na nito ang gustong gawin.
Dahil na rin sa sama ng loob ay napaiyak si Dennis habang kausap ng ilang press dahil nakakaramdam na siya ng pagod sa paghahabol sa mga anak. Maliban kasi kay Julia ay may petisyon din ang isa sa mas bata niyang anak na si Claudia sa korte para tanggalin ang apelyido niya sa pangalan nito.
Sa August ang hearing nila at hindi alam ni Dennis kung ano ang mangyayari. Naiisip na lang daw niya na bawiin na lang ang petisyon niyang huwag katigan ng korte ang request ng mga anak para na lang manahimik na silang pare-pareho. “Minsan iniisip ko na pabayaan na lang sila sa gusto nilang mangyari [magbago ng kanilang apelyido] para maging maligaya na sila.
Pero sa kabilang banda, gusto ko lang naman ipaglaban ang pagiging tatay ko sa kanila,” pahayag ni Dennis. Masakit kasi sa isang ama na maghain ng petisyon ang mga anak na hindi gamitin ang kanyang apelyido dahil nangangahulugan lang nito na ayaw na siyang kilalanin bilang ama ng mga anak.
Nararamdaman daw ni Dennis, sa puso niya na gusto ng mga anak niya na magkaroon sila ng komunikasyon at personal na makita siya ng mga anak. Ang ipinag-aalala lang nito ay ang magiging reaction ng kanilang mga ina. Hindi kasi kailanman nag-reach-out si Dennis kay Marjorie para ayusin ang anumang gusot sa pagitan nila. Ang kanyang mga anak ang lagi lang niyang inaabot.
Nabanggit kasi ni Dennis sa interview niya ang pangalan ng ex-wife na si Marjorie na pakiramdam nga niya na siyang dahilan daw siguro kaya’t natatakot ang kanyang anak na sumagot sa text or kapag tinatawagan niya ang mga ito.
Pero kung pagbabasehan ang latest post ni Julia sa kanyang Instagram account ay tila kampi nga ito sa ina kaysa sa ama. Nag-post ng larawan niya si Julia na nakahiga at yakap-yakap siya ng kanyang ina na si Marjorie. At naka-caption ang mga linyang: “Only we know Mommy…Stay With Me.”
Nananawagan pa rin ni Dennis kay Julia na sana raw kausapin na nito ang kanyang abogado na si Atty. Lorna Kapunan para iurong na nito ang kanyang petisyon sa korte.