
Director Brillante Mendoza parallels crowning achievements of national artists Lino Brocka, Ishmael Bernal
by Oghie Ignacio
Si Direk Brillante Mendoza ang maituturing na kahanay sa kalibre ng mga yumaong National Artists Director na sina Lino Brocka & Ishmael Bernal dahil sa hindi matatawarang husay at pagkakakilala ng kanyang mga obra sa iba’t-ibang international film festival sa mundo. Tulad ng mga obra ng mga yumaong direktor na “Himala”, “BONA”, “Insiang”, Angela Markado”, “ITIM”, “Kapit Sa Patalim Bayan Ko”, “Ora Pronobis” at “Nunal Sa Tubig” ay sino ang mag-aakalang may susulpot sa mundo ng pelikulang Pilipino’ng mas makikilala ang galing ng Pinoy hindi lang sa larangan ng sining ng puting tabing kundi maging sa larangan ng pagganap.
Sariwa pa sa isip ng mamayan at kamalayang Pilipino ang kolaborasyong obra ni Direk Brillante at ng superstar na si Nora Aunor dalawang taon na ang nakalilipas na umani ng mga papuri sa foreign critics & dignitaries maging ang pagiging mahusay na direktor at aktres ng superstar ng tanghalin silang big winners sa tinaguriang “Oscars Of The Pacific Region” na “Asia Pacific Screen Awards” sa Queensland & Brisbane, Australia para sa “THY WOMB” hanggang sa “Sakhalin Film Festival” sa Russia na pati sa “Asian Film Awards” sa Hong Kong ay talagang naiangat nila ang bandila ng Pilipinas. Kaya naman sa pangalawang pagkakato’y muling nagsanib ang puwersa nina Direk Brillante at ni Nora via “TAKLUB” na isang tunay na pangyayari sa buhay ng isang survivor sa super typoon “YOLANDA” na tumama sa bansa nu’ng 2013 kung saan naging universal news ang grabeng kalamidad na nangyari.
“Itong movie namin ni Ate Guy ay aking tribute hindi lang sa mga nawalang buhay o mga biktima ng super-bagyong “Yolanda” kundi tribute ko rin sa sambayanang Pilipino para mamulat sila kung paano sila magiging matatag at matibay kapag may mga ganitong pangyayari na hindi maiiwasan,” bungad ni Direk Brillante sa amin.
“Makikita nila ‘yung reality ng buhay at kung ano talaga ang tunay na nararamdaman ng mga tao roon sa Tacloban ng hagupitin sila ng tadhana,” sey pa nito.
Sa muli nilang pagtatrabaho ng superstar ay mas naging madamdamin at sobrang kooperasyon ang ipinakita ni Nora habang ginagawa nila ang indie film na muli na namang hahaplos sa puso’t damdamin ng manonood once na maipalabas ito ngayong 2015.
“Nu’ng una kong makatrabaho si Ate Guy sa “Thy Womb” two years ago…marami akong naririnig at nababasa na baka pasakitin niya ang ulo ko at may mga tantrums siya sa set. Pero napatunayan ko na mali silang lahat. Hindi totoo ang mga intriga. Dahil natapos namin ang pelikula ng maayos at lagi siyang maaga sa set. Minsan nauuna pa siya sa amin du’n sa location. Kung nale-late man siya, minimal lang at hindi siya talaga ang dahilan. Ganu’n siya ka-cooperative na artista. Napaka-propesyunal sa trabaho. Kaya nag-blend kami talaga,” pagmamalaki pa ng internationally acclaimed movie director.
“Ngayon na nagkatrabaho kami ulit sa “TAKLUB”, mas lalo pang naging cooperative siya hindi lang sa akin kundi sa lahat. Ibinigay niya talaga ang kanyang puso pati kaluluwa para sa movie namin. At ‘yun ang isa sa magandang katangian ni Ate Guy. Once na gusto niya ang project, isasapuso niya ang kanyang ginagawa. Kaya lumalabas na natural at totoo ang akting niya. Hindi ba gaya sa ibang ano…artista na akting na ‘e, inaakting pa kaya ang resulta kung minsan hindi na totoo at parang “OA” or over acting na di ba?,” tuluy-tuloy pang sabi ni Direk Brillante.
“Ganu’n ang gusto ko sa nakakatrabaho kong artista. Hindi pretensiyosa kung ano ‘yung gusto kong ilabas niya interms of acting ‘yun lang. Hindi kulang at hindi naman ‘yung sosobra. Tamang-tama lang at ganun siya,” pagtutukoy pa niya sa award winning na singer-actress.
Kaya hindi na raw nagtataka si Direk Brillante kung bakit napanatili ni Mama Guy ang pagiging superstar at nangungunang pinakamahusay na aktres sa bansa. Pero bukod sa paggawa niya ng mga obrang nakaka-entertain din naman sa manonood ay ginagawa pa niya ‘yon para mapansin ang husay niya bilang direktor hindi lang sa sariling bayan kundi maging sa international film festivals sa ibat-ibang panig ng mundo.
“Hindi naman sa gano’n,” mabilis niyang sagot. “I would say siguro na ano… I don’t only want to entertain but depict real life in what I do,” prangkang sabi niya. “I want to be truthful for whatever projects or film na ginagawa ko. Because that’s what is really happening in real life. Gaya nga nitong latest collaboration namin ni Ate Guy na “TAKLUB”… kung ano ‘yung totoong nangyari ‘yun ang makikita at mapapanood nila rito. Walang halong pretensiyon,” pagtatapos pa niya sa aming panayam.
Follow me…