
Direk Antoinette Jadaone dismisses competition with Joyce Bernal
Isa sa pinakatagumpay na filmmaker ng kanyang panahon ang “hugot” director na si Antoinette Jadaone.
Katunayan dahil sa pagiging patok sa box office ng kanyang mga pelikulang sinulat at idinirehe at pati na sa tagumpay ng kanyang mga teleseryeng pinamahalaan tulad ng “On The Wings of Love”, siya na ang pinaka-bankable na director natin sa kasalukuyan.
Kaya naman dahil sa kanyang kasikatan ay hindi maiaalis na maikumpara siya sa magaling na box-office director na si Bb. Joyce Bernal.
May mga nagsasabing nahigitan mo na raw si Direk Joyce. Nararamdaman mo ba ang kumpetisyon sa pagitan ninyong dalawa?
“Actually, walang ganoon. Malaki ang paghanga ko kay Direk Joyce dahil sa kanya ako nagsimula dahil naging PA niya ako noon”, bungad niya.
Maraming nakaka-relate sa mga proyekto mo, mapa-pelikula man o telebisyon dahil sa mga hugot nito. Saan nanggagaling ang hugot ng isang Antoinette Jadaone?
“Siyempre, sa mga personal nating karanasan, sa mga karanasan ng mga kaibigan at mga kakilala ko at sa mga kuwento nila”, aniya.
Isa sa bagong female director ang matagumpay na nai-launch sa kanyang pelikulang “Camp Sawi” na tulad mo ay may kakaiba ring hugot bilang director. May mga nagsasabing dapat ka na raw kabahan sa katauhan ni Direk Irene Villamor?
“Hindi na bago si Direk Irene dahil co-director ko siya sa “Relaks, It’s Just Pag-ibig” na kaming dalawa rin ang nagsulat. Actually, I’m very happy for her. Ako nga, noong pinanood ko ang pelikula, bumilib ako sa kanya. Even in my social media account, ini-encourage ko na panoorin ng lahat iyong pelikula niya at kung hindi sulit iyong panonood nila, willing akong isauli ang ibinayad nila, kasi tulad nga ng sinabi ko, pareho kaming nagsimula noon at nag-OJT kay Direk Joyce”, paliwanag niya.
Kakaiba itong bagong teleserye mong “Till I Met You” dahil matapang siya sa pagtalakay tungkol sa iba’t-ibang klase ng pag-ibig kasama na ang gay love. Did you intend it to be LGBT-friendly?
“Yes. Gusto kasi namin na sa second time slot sa primetime na nanonood ang maraming tao at pinanonood ng marami na makapaghatid ng kakaibang putahe, owing to the popularity of Jadine. We want to use that popularity to a good cause at ayaw naming sayangin iyong opportunity to be able to depict a relatable theme that embraces all kinds of love”, katuwiran niya.
Una mong nakatrabaho ang Jadine sa “On The Wings of Love”. Sa ikalawang pagkakataon , ano ang nadiskubre mo sa muli mong pakikipagtrabaho sa kanila?
“They’re very versatile actors. Very passionate sila sa kanilang ginagawa at it’s always fun to work with them. Nakakabata ang vibes”, sambit niya.
Nakatulong ba ang pagiging real life sweethearts nina James (Reid) at Nadine (Lustre) para mas mailabas ang kilig factor sa “Till I Met You”?
“Oo naman, kasi mas kumportable na sila sa isa’t-isa at mas natural na ang dating”, pagwawakas ni Direk Antoinette.
Co-directors ni Antoinette sa TIMY sina Dan Villegas at Andoy Ranay.
Bukod sa Jadine, kasama rin sa cast ng TIMY sina JC Santos, Carmina Villaroel, Angel Aquino, Pokwang, Zoren Legaspi, Robert Seña, Noel Trinidad, Kim Molina, Francis Lim, Princess Merhan Eisbisch at marami pang iba.
Mula sa produksyon ng Dreamscape na pinamumunuan nina Deo Endrinal, Julie Anne Benitez at Kylie Manalo-Balagtas, ang TIMY ay mapapanood sa Kapamilya primetime block Lunes hanggang Biyenes pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano”.