
Direk Erik Matti describes “Seklusyon” as terrifying and hair-raising film
Wala sa hinagap ng award-winning director na si Erik Matti na ang kanyang pelikulang “Seklusyon” ay mapipili bilang kalahok sa 2016 Metro Manila Film Festival na ang nakaraang edisyon ay kontrobersyal.
“Noon kasing isinubmit namin iyong movie, bago lahat ng rules. So, hindi mo alam kung iyon ang tipong magugustuhan ng screening committee,” bungad niya.
Naging usap-usapan ang MMFF noong nakaraang taon dahil sa pagkakadiskwalipika ng pelikulang “Honor Thy Father” sa best picture race na siyang dahilan upang ma-expose ang mga umano’y katiwalian sa MMFF na nauwi sa reorganization nito.
Ano ang masasabi mo na ikaw ang at ang pelikula mo ang naging kasangkapan upang magkaroon ng malaking pagbabago sa pamunuan ng MMFF?
“Siyempre, noong time na nangyari, hindi kami masaya pero dahil sa changes so far, naging masaya na rin kami dahil somehow, may nakinig at may ginawa para maiayos ang lahat. Kahit konti lang iyon, okay na sa akin. Iyong rules nga na iyong pelikula ang i-submit at hindi iyong iskrip, malaking bagay na iyon sa akin. Just because of that rule na hindi na iskrip, masaya na ako,” ani Direk Erik.
Bakit isinumite ninyo ang “Seklusyon” bilang kalahok sa 2016 MMFF?
“Nauna na kaming nag-shoot. Naghahanap na lang kami ng magandang playdate. Naisip namin, timing siya sa filmfest. Wala namang masama kung i-try naman namin kung ano ang kalalabasan, kung magugustuhan nila, kung hindi man, then, I’ll think of other options,” paliwanag niya.
Kung sakali bang walang pagbabago o revamp sa MMFF, hindi ka sasali?
“Malamang. Kung ganoon pa rin ang rules na masalimuot. Kung ganoon pa rin ang organization, huwag na lang siguro,” aniya.
Saan nanggaling ang inspirasyon mo sa “Seklusyon”?
“May isa akong kakilala rati. Nagkuwento siya na iyong kapatid niya na dating pari ay nagseklusyon sa simbahan. Naisip namin na magandang anggulo siya na paglaruan,”
Ano ang kaibahan nito sa mga horror movies na nagawa mo na tulad ng “Tiktik”?
“Iyong “Tiktik” is fun and exciting kasi may action. Iyong “Seklusyon” talaga is terrifying, nakakapanindig-balahibo. Ibang klaseng horror,” sey niya.
Ang “Seklusyon” ay kuwento ng mga nagpapari na bago i-ordina ay pinapapasok sa seclusion house para malayo sa tukso o demonyo. Sa retreat house, tutuksuhin sila ng demonyo para pumasok sa pagpapari.
Tampok dito sina Ronnie Alonte, ang Kilig King ng grupong Hashtags, ang Kapamilya hunk actor na si Dominique Roque, ang MVP volleyball player na si John Vic de Guzman at ang model-turned actor JR Versalles.
Kasama rin sa cast sina Neil Ryan Sese, Elora Espano, Phoebe Walker, ang veteran actor na si Lou Veloso at ang magaling na child actress na si Rhed Bustamante na ayon kay Direk Erik ay isang rebelasyon sa pelikula.
Ang “Seklusyon” ay isa sa walong kalahok na mapapapanood sa buong bansa sa taunang MMFF festival na magbubukas simula sa araw ng Pasko.
Ito ay handog ng Reality Entertainment na siya ring naghandog ng mga obrang “Tiktik: Aswang Chronicles”, “On The Job” at “Honor Thy Father”.