
Direk RCA: Kapag magaling kang director, dapat magaling kang magkuwento
Napanood namin ang indie film na “Hiwaga.. Ang Paglalakbay sa Hiwaga ng Buhay” na bida ang baguhang si John Mc Earl mula sa panulat at direksyon ni Direk RCA.
It’s a family drama, na namatay ang mga magulang ng apat na magkakapatid, isa na rito si John, na naging dahilan para sila magkahiwa-hiwalay at sa bandang huli ay muling magkikita at magsasama.
Gandang-ganda kami sa istorya nito, at napaluha talaga kami sa ilang mga eksena nito, lalo na nung muling nagtagpo ang landas ng magkakapatid.
Sa Hiwaga, ay nagtapos ng high school si John sa tulong ng pamilyang umampon sa kanya. Nagtapos siya na isang valedictorian sa pelikula.
‘Yung kanyang valedictorian speech ay in-apload niya sa You Tube, na naging viral yun. Akala ng mga tao ay tunay yung valedictorian speech, na hindi nila alam na isang eksena lang yun sa pelikula.
Sabin ni John Earl tungkol dito,” Yung nag-viral sa video, yung valedictorian speech ko sa movie, marami po ang nag-akala na totoo po yun. Marami ang nag-comment at marami ang nag-share. Kinontak nga po ako ng mga TV network dahil nga sa viral na video. Almost 1 million views.”
Dumaan sa audtion si John bago napunta sa kanya ang role bilang si John, ang tanging lalaki sa kanilang apat na magkakapatid.
“Nag-fit po sa akin yung role kaya nakuha ako lalo na sa speech na sobrang nadala ako.”
Ang Hiwaga ay showing na sa March 29.
Speaking of Direk RCA, ang Hiwaga ang first movie na ginawa niya. Pero bago ito ay nakagawa na rin siya ng ilang short films kaya hindi na masasabing bagito siya sa larangan ng pagdidirek.
Mahusay ang pagkakadirek niya ng Hiwaga. Lahat ng nakapanood nito sa block screening ay nagustuhan ito.
“I’m a good story teller. Kapag magaling kang direktor, dapat magaling kang magkuwento,” sabi ni Direk RCA
Si Direk RCA rin ang siyang nag-compose ng themesong ng Hiwaga, na ayon sa kanya ay nagawa niya itong isulat sa loob lamang ng tatlong minuto habang sakay siya ng eroplano papuntang Malaysia.
Among our directors today, ang paborito ni Direk RCA ay ang namayapang si Direk Wenn Deramas. Kaya gaya nito, gusto rin daw niyang gumawa ng mga comedy film.
“Ako kasi masayahin din akong tao. Inuna ko lang itong Hiwaga kasi talagang gusto kong ma-inspire yung mga kabataan para naman markado yung first film ko, na nag- viral agad di ba? Kasi may heart yung movie. I want to create more inspirational movies na may tatak, yung pinoy na pinoy ang istorya,” aniya pa
Ang susunod na gagawing pelikula ni Direk RCA ay ang Delihensiya. Ang gusto niyang gawing bidang lalaki rito ay either John Lloyd Cruz or Jericho Rosales. Si Jessy Mendiola naman ang naiisip niyang maging bidang babae rito.
“Sa tingin ko kasi swak na swak sa kanila yung role,” sabi ni Direk RCA
Ipinaliwanag naman niya kung bakit Delihensiya ang naisip niyang susunod na gagawing script at pelikula.
“Gusto kong sundan kasi yung momentum. Pag sinabi kasing ano yung Hiwaga, ito yung paglalakbay sa hiwaga ng buhay. Ano naman yung delihensiya? Ito ang raket ng totoong buhay. Sundan muna natin ng kwento na hindi ka bibitawan eh. Kasi every Filipino, ito yung karanasan natin, ito yung kwento ng buhay ng Pinoy. Medyo documentary ang dating pero may twist yan. Magsisimula siya sa simpleng kwento pero palalim ng palalim siya.”
Kung hindi makukuha ni Direk RCA si Jessy sa Delihensiya, ang susunod na naisip niya na kunin para sa pelikula ay si Maricel Soriano. Paborito pala niya ang tinaguriang Diamond Star ng showbiz.
“Actually gustong-gusto kong ibalik si Maricel, kasi gustong gusto ko siya. Masang-masa kasi ang dating ni Maricel. Pati yung pagsasalita niya, yung kakikayan niya, swak na swak siya sa movie. I don’t care about yung isyu na personal sa kaniya. Wala nga lang akong way na makausap siya.”