May 23, 2025
Direk Roni Bertubin talks about his film “Ku’Te”
Latest Articles Movies

Direk Roni Bertubin talks about his film “Ku’Te”

Jun 16, 2016

Archie liao

by Archie Liao

Kute poster 2 Orange (2)Marami na ring tema ang natalakay ng acclaimed director na si Roni Bertubin sa kanyang mga pelikula mula sa ‘coming-of-age’ movie na “Sikil”, sa kultura ng korupsyon at karahasan sa isang lipunan sa “Kurap”, sa kakaibang kuwento ng pag-ibig ng isang Pinoy at ng  kanyang Caucasian lover sa “Lovebirds” hanggang sa kuwento ng pagtawid sa tema ng kamatayan at ang epekto nito sa mga taong naiwan sa “Last Viewing” at sa kuwento ng relasyon ng mag-ama sa “Gayak” na naging kalahok noon sa MMFF New Wave.

Pero para kay Direk Roni, espesyal sa kanya ang kanyang bagong pelikulang “Ku’Te” na kalahok sa Filipino New Cinema division ng 2016 World Premieres Film Festival.

Ano ang ibig sabihin ng “Ku’Te”?

“Ang “Ku’Te” ay pinagsamang Kuya at Ate. Iyong karakter kasi dito ni Marielle Therese na may down syndrome, ku’te ang tawag niya sa kanyang nakatatandang kapatid. Bale, ulila na sila at si Emong na isang responsableng  ‘gay’ na hindi  naman ‘loud’ na ‘loud’ ang nagtataguyod sa kanya,” paliwanag ni Direk Roni.

Saan nanggaling ang inspirasyon mo sa paggawa ng pelikulang “Ku’te”?

“Na-inspire kasi ako ng isang kaibigang nagtratrabaho na ang kapatid na may down syndrome, ulila na sila at handa niyang gawin ang lahat para itaguyod ang kanyang kapatid at sa mga kuwento na rin ng mga kaibigan at ng mga taong  may kapatid, kakilala at kamag-anak na may down syndrome”, kuwento niya.


direk roni and yohan santosSa mga pelikulang ginagawa mo, hindi nawawala ang mga gay characters. Coincidental ba ito o sinasadya?

“Actually, sa mga ginagawa ko, gusto ko silang magkaroon ng representation. Tulad ng pelikula ko, gusto kong huwag nang ‘gays’ ang tawag sa kanila. Hindi na  bading o beki kundi ku’te. Ku’te for the simple reason na sila iyong maasahan mo na mag-alaga ng kanilang mga magulang kapag nagsipag-asawa na ang kanilang mga kapatid, o sa kanilang mga pamangkin na itinuturing na nilang mga anak. Sila iyong responsable sa pagkita ng pera para lamang itaguyod ang kanilang pamilya. Kapag may kapatid ka o kasamang ‘ku’te’, feeling mo, protected ka, feeling mo, may mag-aalaga sa iyo, feeling mo na may makakasama ka nang matagal tulad ng karakter ni Yohan na hindi binibitawan ang kanyang pag-aalaga sa kanyang kapatid na may down syndrome,” aniya.

Paano mo nadiskubre si Marielle Therese sa pelikulang “Ku’te”?

“Actually, nakita ko siya sa facebook. Sumasali siya sa mga beauty contests sa Batangas. Nag-represent din siya ng Lipa sa national. Minsan nananalo siya ng best in talent. Magaling siyang sumayaw at mag-interpret. Actually, she’s very smart”, pagbubunyag niya.

12002184_10207884673099218_6511306247725828658_nPaano mo napaarte ang isang batang may down syndrome na bida pa sa pelikula mo?

“Noong una, talagang mahirap. Iba talaga ang effort kung paano siya iha-handle. Dapat alam mo kung kailan siya nalilito, kung kailan siya nahihirapan dahil minsan may mga salita kasi silang sila lamang ang nakakaintindi, pero as we go along, you have to treat her and to trust her tulad ng isang normal na artista na kayang gawin ang anumang ginagawa ng kanyang mga co-actors na walang special treatment”, esplika niya.

Ayon pa kay Direk Roni, ginawa niya ang “Ku’te” upang magsilbing inspirasyon sa lahat.

“Pangarap kong sana mabigyan ng pantay na pagkakataon ang lahat , na sana makita ang kanyang kakayahan, maramdaman ang kanyang pangarap , mata at puso ang gumagalaw sa kanyang inosenteng pananaw sa lahat”, aniya. “ Sana maging eye opener rin ang pelikula na ang lahat ay may pantay na karapatan at oportunidad sa isang lipunan sa kaso ng  Lenlen na isang disabled at ni Emong na isang “Ku’te”, pahabol niya.

Sa “Ku’te”, si Yohan Santos ang gumaganap sa title role samantalang ang mentally challenged na si Marielle Therese ang nagbibigay buhay sa papel ni Lenlen.

Kabituin din sa pelikula sina Maya Samson, Adrian Ramirez  at Nico  Gomez na lumalabas na lover ni Yohan.

Ito ay mapapanood na mula Hunyo 29 hanggang Hulyo 10 bilang kalahok sa Filipino New Cinema section ng World Premieres Film Festival.

For  your comments/reactions write to artzy02@yahoo.com.

Leave a comment

Leave a Reply