
Direk Zig Dulay talks about his experience working with indigenous actors
Isang malaking hamon sa award-winning director na si Zig Dulay ang idirek ang kanyang mga lead actors sa pelikulang “Paglipay” (Crossing).
Mga Zambal Aetas ito na kasama sa liping minorya na matatagpuan sa Zambales.
Nahirapan ka ba na idirek sila?
“Nahirapan. Wala kasi silang alam talaga lalo na iyong mga Aeta. Una, bago sila sa pag-arte. Ikalawa, hindi man talaga sila maalam sa mundo ng showbiz”, aniya.
Paano mo pinaakto ang mga lead mo ritong mga Aeta?
“Actually, ang dami nilang binaka, sa kultura nila, sa paligid nila. Una, hindi talaga sila nakikipag-usap sa mga tao. Tapos, iyong dalaga nila hindi talaga nakikipag-usap sa mga lalake so, paano mo paaaktuhin sila kung wala silang eye to eye contact. Siyempre, hindi lang basta ibibitaw ang mga salita, kailangang may kasama ring emosyon. So, ang ginawa namin, pinag-workshop namin sila”, kuwento niya. “Isa pang nahirapan ako, hindi naman talaga sila nagme-memorize ng kanilang mga linya, so tinulungan ako ng kanilang chieftain at kagawad na siya namang gumabay sa akin”, pahabol niya.
Nagkaroon ba sila ng culture shock noong ginagawa ang pelikula?
“Not much kasi may konsepto rin naman sila ng TV. Alam din nila na inaarte lamang iyon ng mga artista, hindi lang nila alam kung gaano kahirap”, paliwanag niya.
Bakit nga pala mga amateur actors at totoong Zambal Aetas ang kinuha mong lead sa pelikula mo?
“Kasi, pag artista kasi ang kinuha mo, natatakot ako na ma-misrepresent sila. Kapag kasi pro, prone sila for misrepresentation. So, inisip ko, mas maganda kung raw talents at authentic Aeta ang gagamitin ko. Kasama rin kasi sa requirement na marunong silang magsalita ng Zambal Aeta ”, paglilinaw niya.
Sa palagay mo ba, pagkatapos ng pelikulang ito, puwedeng magkaroon ng acting career ang iyong mga artistang Zambal Aeta?
“Hindi ko masabi, pero revelation sila sa pelikula. Pero, hindi naman talaga pinangarap na mag-artista. Gusto lang nilang makatulong sa amin”, esplika niya.
Ano ang iyong nadiskubre sa pakikipagtrabaho sa kanila?
“The thing na nakakatuwa sa kanila ay meron silang word of honor. Kapag sinabi nila, ginagawa nila”.
Ayon pa sa direktor, ang “Paglipay” (Crossing) ay halaw sa tunay na buhay.
“It’s based on true event pero ginamit kong facade ng film iyong love story since fan ako ng mga love stories”, pagtatapos niya.
Ang Paglipay ay isang salitang Zambal Aeta na ang ginagamit sa pagbaba ng mga Aeta sa bundok para tuwawid sa mga ilog patungong kabayanan.
Ang Paglipay ay tungkol sa kuwento ni Atan (Garry Cabalic), isang lalakeng Aeta na ipinagkasundong pakasal sa isang katribung Aeta (Joan dela Cruz) na nabago ang buhay nang makilala niya ang isang babaeng taga-Maynila (Anna Luna).
Tampok dito sina Garry Cabalic at Joan dela Cruz, mga tunay na Zambal Aeta. Kasama rin sa cast sina Anna Luna, Marinelle Sevidal, Natasha Cabrera, Gigi Locsin, Upeng Fernandez at iba pa.
Ang “Paglipay” (Crossing) ay isa sa mga kalahok sa kauna-unahang ToFarm Film Festival na kasalukuyang ginaganap sa SM Megamall at SM North Edsa.
Ipalalabas rin ito sa SM Pampanga at SM Cabanatuan mula Agosto 24-26, sa SM Cebu sa Septiyembre 14-20 at SM Davao sa Oktubre 12-18.
Ang kauna-unahang ToFarm Film Festival ay initiatibo ni Mrs. Milagros How, ang butihing executive Vice President ng Universal Harvester, Inc. sa pakikipagtulungan ng Production 56 at MPJ Productions with award-winning director Maryo J. delos Reyes as festival director.