
“You don’t gauge a person with the amount of money he has. What can your money do for you if nobody loves you? Whatever it is that I am enjoying right now are the fruits of my labor.” – Willie Revillame
Hindi itinanggi ni Willie Revillame na nag-casino siya pero libangan lang daw ‘yun. Hindi rin niya papayagan na mawala ang mga ari-arian niya dahil lang sa casino.
“Naglibang lang ako sa buhay ko. Pinakiramdaman ko lang kung anong meron kasi hindi ako sanay diyan, e. Na-challenge ako.Oo, nagsugal ako, pero part ng buhay ng tao iyan. Pero hindi ako magpapaubos sa casino,” deklara niya sa panayam ng “Kapuso Mo, Jessica Soho”.
Sinabi pa ng sikat at matulunging TV host na mahigpit na ipinagbabawal ng kanyang kontrata sa GMA Network na maging laman siya ng casino. May kaugnayan ito sa pagbili niya ng airtime sa GMA para sa ‘Wowowin’ na magsisimula sa May 10.
“Tinigilan ko na yun.Una, bawal na sa akin gawin yun, kasi in my contract with GMA, hindi na puwede. Sa sarili ko na rin, sinabi ko kasi ang pangit, e,” bulalas pa niya. Nabanggit pa ni Willie na bawal din sa GMA contract niya na ma-involve siya sa politics na nagagamit ang kanyang show.
Hindi na rin pinapansin ni Willie kapag may mga intriga na sinasabing naghihirap na siya kaya’t nagbabalik-telebisyon siya.
“Hindi ako apektado sa mga sinasabi nila kasi ikaw naman ang nakakaalam ng totoo sa buhay mo. Naghihirap? Ito nga ang mahal nga nito,” pakli niya na nakatawa sabay turo sa branded niyang polo shirt.
Nakita sa nasabing programa ang mga ari-arian ni Kuya Wil gaya ng ginagawang five- star hotel sa Tagaytay na abot-kamay ang Taal Lake, ang tatlong fully-furnished villas na pag-aari niya sa Tagaytay Highlands, ang Wil Tower na nakapangalan sa kanya sa Quezon City kung saan pagmamay-ari niya ang apat na palapag ng condo at ang helipad nito.
Nandiyan din ang magara niyang bahay sa isang subdivision sa Quezon City, ang mamahalin niyang sasakyan gaya ng dalawang Rolls Royce , Ferrari sports car at isang yate na nagkakahalaga ng P18 million.
May hirit ulit na tanong si Jessica kung ano ang reaksyon niya sa sasabihin na naman ng mga detractors ni Willie na nagyayabang siya dahil ipinakita niya ang properties niya. Aniya, hindi siya apektado dahil hindi naman daw galing sa pagnanakaw ang mga naipundar niya. Pinaghirapan niya nang husto ang mga ito.
“Hindi mo ige-gauge yung pagkatao mo sa pera, Aanhin mo lahat ng perang iyan kung paglabas mo diyan, e, walang nagmamahal sa ‘yo. Sa akin, hindi ko Diyos ang pera.Yung pinaghirapan ko, I want to enjoy my life,” sambit niya.