
Eddie Garcia says he’s no Marcos crony
Muling mapapanood ang matatag at durable actor na si Eddie Garcia sa pelikulang “ML” ni Benedict Mique.
Ito ang ikatlong pelikula niya sa Cinemalaya pagkatapos ng ICU Bed #7 ni Rica Arevalo at Bwakaw ni Jun Robles Lana.
Sa huling dalawang nabanggit na pelikula, nanalo ng best actor awards ang Bicolanong actor.
Mula sa isang matandang may taning na ang buhay sa “ICU Bed#7 hanggang sa isang lonely gay sa “Bwakaw,” patindi nang patindi ang mga roles niya sa Cinemalaya.
Sa “ML,” muli na naman siyang magpapakitang gilas.
“I’m a retired PC colonel sa Metrocom na may konting dementia na akala niya ay may Martial Law pa rin,” paglalarawan niya sa kanyang papel.
Ipakikita raw sa pelikula ang mga karanasan noong mga tao noong naturang rehimen ni Marcos kung saan naging uso ang curfews, warrantless arrests, military rule sa mga civilians at marami pang iba.
Kuwento pa ni Tito Eddie, sa kabila ng napaulat na insidente ng pang-aabuso sa karapatang pantao ng mga mamamayan lalo na iyong mga tumutuligsa sa gobyerno, may mabuting dulot din daw naman ang Martial Law.
“The first two years was good. Everyone is toeing the line. No jaywalkers, traffic was good,” tsika niya.
“People then were disciplined. May kasabihan nga na “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan. Kung wala si Marcos, wala rin ang CCP,” dugtong niya.
Pagbubunyag pa niya, noon daw idineklara ni Marcos ang Martial Law, hindi raw niya masyadong naramdaman ang epekto nito sa kanilang mga artista.
“Tuloy naman ang filming. If you have a night shooting, kukuha ka lang ng Martial Law pass para makapag-shooting the whole night,” paglalahad niya.
Bagamat may mga nangyayari noong pag-aaklas sa gobyerno, naging panuntunan daw niya na hindi makialam sa pulitika.
“I’m apolitical. Hindi ako nakikialam sa pulitika. Basta ako, priority ko ang trabaho ko. As an actor, I am paid for that,” aniya.
Sa pagtanggap ng role, hindi rin daw siya mapili kahit pa sabihing salungat ito sa kanyang sariling paniniwala.
“Ako naman, when it comes to my job, sinusunod ko lang iyong role. Kung ano iyong nasa iskrip, iyon ang sinusunod ko, because it’s just my job,” paliwanag niya.
“Motto ko rin kasi na, you have to do your job right, no matter how small it is,” pahabol niya.
Inamin din niyang naging malapit siya sa mga Marcos noon pero ang lahat ng iyon ay dahil may kaugnayan lamang sa trabaho niya bilang director.
“Ako iyong gumawa ng second movie na biopic nina Marcos at Imelda na “Pinagbuklod ng Langit,” ani Tito Eddie.
“People naman will not define you for that but basically because of your job,” makahulugan niyang sagot.
Ang ML ay kuwento ng tatlong kabataan na lumapit sa isang retired colonel para interbyuhin ito upang patotohanang hindi masama ang Martial Law tulad ng inaakala ng karamihan upang sa huli ay makaranas mismo ng bangungot ng nasabing kabanata sa ating kasaysayan.
Tampok din sa pelikula sina Tony Labrusca, Lian Valentino, Henz Villaraiz, Jojit Lorenzo, Rafa Siguion-Reyna, Chanel Latorre, Chrome Cosio, Richard Manabat, Maritess Joaquin, Kino Rementilla, at marami pang iba.
Palabas na ang pinag-uusapan at top-grossing Cinemalaya movie sa mga piling sinehan sa buong bansa.