
Eduardo Roy, Jr. talks about his film “Pamilya Ordinaryo”

Balik-Cinemalaya ang magaling at award-winning director na si Eduardo Roy, Jr. sa pelikulang “Pamilya Ordinaryo” na isa sa mga kalahok sa 12th Cinemalaya Independent Film Festival.
Katunayan, marami siyang avid Cinemalaya fans dahil inaabangan talaga ang kanyang entry.
Sa dalawang Cinemalaya movies kasi niya ay nakapag-produce siya ng mga award-winning actors na ngayon ay kinikilala na ang galing sa industriya.
Si Diana Zubiri ay nanalong best performer sa Young Critics Circle para sa kanyang pagganap sa “Bahay Bata” samantalang ang transgender na si Mimi Juareza ay nagwaging best actor sa “Quick Change” sa 2013 Cinemalaya sa mga pelikulang kapwa niya idinirek.
Ano ang kaibahan ng naging treatment mo sa “Pamilya Ordinaryo” kumpara sa mga nagawa mo nang pelikula sa Cinemalaya?
“It’s more direct to the point. Wala siyang kiyeme, it’s pure storytelling . Walang pa-arte at straightforward ang approach sa storytelling”, aniya.
Masasabi mo bang isang ‘poverty porn’ ang pelikula?
“Ang tingin ko kasi, nagiging ‘poverty porn’ ang isang pelikula hindi dahil mahirap iyong mga characters kundi dahil may anti-poor sentiments sa culture natin na kaiba naman kapag nagsasabi ka o naglalahad ng katotohanan o realidad sa buhay”, paliwanag niya.
Saan nanggaling ang inspirasyon mo sa “Pamilya Ordinaryo”?
“Based siya sa news clippings na nabasa ko tungkol sa isang family. It is based on a true story of a couple na magnanakaw , pero dahil sa irony of life, nanakawan din sila ng anak” , pagtatapat niya.
Nagkaroon ka ba ng effort na kontakin ang mga taong pinagbasehan mo ng kuwento mo?
“May researcher ako. Nagpunta siya at nag-interview doon sa mag-asawa. Pero, natagalan din bago ko siya napasama sa Cinemalaya so noong nalamang kong pasok na ako, personal naming kinontak iyong mag-asawa pero nalaman naming wala na sila sa Maynila kung saan sila dating nakatira dahil namatay na iyong husband”, kuwento niya.
Ano ang mensahe ng “Pamilya Ordinaryo?”
“Na may pag-asa ang lahat, na bawat problema ay may solusyon, na ang mga katulad nila ay hindi dapat dinededma ng mga institusyong dapat nangangalaga sa kanilang kapakanan na minsan, mas hirap pa nila i-solve ang kanilang problema kapag nahaharap sa mga ganoong sitwasyon”, ani Direk Eduardo.
All praises din ni Direk Edong (Eduardo) sa kanyang mga artista tulad nina Hasmine Killip at Ronwaldo Martin bilang teenage parents na laman ng lansangan.
“Sobrang fit sila sa mga characters nina Jane at Aries. Parang maaamoy mo sila sa pelikula dahil napaka-natural ng acting nila”, pagwawakas niya.
Ang “Pamilya Ordinaryo” ay kalahok din sa 13 th Venice Days fest sa Italya na idaraos mula Agosto 31 hanggang Septiyembre 10. Ito ay katumbas ng Directors’ Fortnight ng prestihiyosong Cannes Film Festival.