
Elisse, Barbie, Arielle enter prostitution den
Nakaka-relate ang mga bidang sina Elisse Joson, Barbie Imperial at Arielle Roces sa kanilang roles sa iWant original movie na “You Have Arrived.”
Papel ng tatlong magkababata at micro-influencers na tanging kagustuhan ay makakolekta ng maraming likes, views at followers sa online accounts nila ang roles ng tatlo.
“Sa panahon ngayon, doon na talaga tayo umiikot. Kailangan mo siya, para ma-update ka at malaman mo kung ano ang nangyayari sa paligid mo,” ani Barbie.
“Because of our work, importante siya. Kung celebrity ka, kailangan mo siya to update fans and followers sa mga ganap sa buhay mo, pero meron din namang taong kayang mabuhay kahit walang social media. For me, it’s important depending on your work or environment. Pero ako naman,at the end of the day, iyong reality ko is still off sa social media,” pagbabahagi ni Elisse.
“When it comes to work, kailangan siya. We have to influence people and to be better in it. Pero sa social media, meron din namang negativities. I guess, you just to approach it with digital minimization. By using digital minimization, you’re using the technology by asking yourself special values and by being selective on what you post and follow,” ani Arielle.
Aminado rin silang hindi sila immune sa bashing sa social media.
Para kay Barbie, inamin niyang na-bash siya ng isang netizen noon na minsang nagsabing hindi pantay ang kanyang boobs.
Sinagot din daw niya ito pero hindi raw naman siya na-hurt dahil tanggap daw naman niya na hindi siya perpekto at may sariling limitasyon.
Para naman kay Elisse, maraming beses na rin daw siyang na-bash ng netizens dahil sa pagkaka-link niya sa ibang aktor na meron nang ka-loveteam tulad nina James Reid at Joshua Garcia.
May time nga raw noon na nag-detox siya sa social media at feeling niya, nakatulong daw naman ito para magkaroon siya ng personal space para sa kanyang sarili.
Para naman kay Arielle, hindi raw naman kailangang mag-detox sa social media dahil nasa tao raw kung magpapaapekto siya sa mga nasusulat o nagkokomento sa kanyang post kaya importante na pinipili at pinag-iisipan muna kung ano ang ipino-post at kung sino ang ipina-follow.
Ang kuwento ng “You Have Arrived” ay nilikha ni Shugo Praico, na siya ring sumulat at nagdirek ng iWant original series na “Bagman.”
Sa nasabing movie, magsisimula ang mga problema ng tatlo nang i-livestream nina Flo (Arielle) at Dani (Barbie) ang panghihipo kay Arianne (Elisse) na siya namang dahilan ng pagkawala ng followers nito. Dahil sa pangyayari, magkakagulo ang pagkakaibigan nila.
Dahil sa desperadong makuhang muli ang nawalang followers, tatanggapin ni Arianne ang isang imbitasyon sa isang misteryosong “Epik Party” na sinasabing isang event para sa malalaking influencers.
Kahit pa sila ang maysala sa pagkasira ng reputasyon niya, iimbitahan ni Arianne sina Flo at Dani sa naturang event.
Dadalo ang tatlo sa party sa pag-aakalang makatutulong ang kanilang pagdalo sa naturang event para mas maiangat ang kanilang online careers, ngunit ito rin ang magiging daan para madiskubre nilang isa lamang itong malaking pagpapanggap para mapagtakpan ang katotohanang isa itong mapanganib na prostitution den.
Sa pagtakas ng tatlo mula sa kapahamakan, mapipilitan silang lumaban para maisalba ang kanilang mga buhay.
Malalagpasan kaya ng tatlo ng pinakamalaking pagsubok sa kanilang buhay at pagkakaibigan?
Sasagutin ito sa “You Have Arrived’ na produksyon ng Rein Entertainment at Cinebro, na naghatid din sa atin ng “AWOL” na pinagbidahan ni Gerald Anderson, “We Will Not Die Tonight,” ang kauna-unahang action movie ng Kapamilya sweetheart na si Erich Gonzales at ang “Mga Mata sa Dilim” na tampok sina Jessy Mendiola at Derek Ramsay.
Ang kapanabik-panabik na iWant original movie na ito ay mapapanood via streaming sa iWant app simula sa Oktubre 25.