
Enzo Pineda faces quarter life crisis; Winwyn Marquez life goes on after breakup
Pagdating sa kanyang mga desisyon sa buhay, mapa-personal man o may kinalaman sa karera, walang pinagsisisihan ang Kapuso hunk actor na si Enzo Pineda.
“May mga bagay I wish I could have done before o mga pagkakamali. Pero when I realize, hindi ako makakarating kundi dahil sa mga failures na iyon at ayusin ko ang sarili ko and assume responsibility in life and I wished I could have done it earlier in my career since I’m in my mid 20s na. Sana iyong mga bagay na ito noong early pa but then, I’m happy with what I am. Hindi ako makakarating sa kung ano ako kung hindi dahil sa mga pagkakamali ko.”
Happy din siya dahil nabibigyan siya ng meatier roles sa mga teleserye at pelikula sa ABS-CBN.
Ngayon, bida na ang actor sa pelikulang “Time and Again” kung saan kapareha niya ang 2017 ReinaHispanoamericana beauty title holder na si Winwyn Marquez.
“This is my biggest break. I’m glad for the trust na ibinigay sa akin to do this role,” aniya.
Hirit pa niya, sobra raw siyang thankful na napapansin na siya sa industriyang kanyang niyakap.
“I appreciate it, happy of course. It feels good that people in the industry are seeing my merits and they are gambling on what I can offer as an actor. Masaya lang na makapagbigay ng something different sa mga manonood. You know, I really go out of my way to deliver a different kind of performance,” sey niya.
Aminado rin si Enzo na tulad nang iba, dumaan din siya sa matinding depresyon sa personal na buhay at sa karera.
“I had a quarter life crisis then. Lahat naman ng tao, dumadaan sa mga challenges at pagsubok sa buhay,” sey niya.
Gayunpaman, hindi raw naman siya dumating sa puntong nagtangka siyang mag-suicide.
Malaki raw bagay ang support system ng kanyang pamilya at mga kaibigan para hindi siya matalo ng kadiliman.
“I think, I feel blessed to be surrounded by my supportive family and friends,” aniya.
“So far, kinaya at kaya ko naman siya,” dugtong niya.
Importante rin daw na maging positibo ang pananaw at magpasalamat sa mga biyayang natatanggap.
Tungkol naman sa pagpasok sa pulitika, ayaw namang magsalita nang tapos ni Enzo dahil naing congressman ang kanyang tatay at masasabing galing siya sa political clan.
Si Enzo ang leading man ni Winwyn Marquez sa pelikulang “Time and Again,” isang fantasy-romantic comedy.
*****
Inamin ng 2017 Reina Histoamericana beauty titlist at lead actress ng “Time and Again” na si Winwyn Marquez na nagwakas na ang tatlong taong relasyon nila ng Kapuso actor na si Mark Herras.
Ayon pa sa actress turned beauty queen, very recent lang daw ang naging breakup nila ngayong taon.
Unang nakaalam daw nito ang kanyang cousin na si LJ Moreno.
“It was actually a mutual decision. Nag-usap naman kami nang harap-harapan, hindi lang ‘yung text-text na usual na siguro ginagawa ng iba. It was a mutual decision and we just want to do our own things now,” aniya.
Nilinaw naman niya na hindi ang pagsali-Sali niya sa mga beauty pageant ang naging dahilan ng kanilang hiwalayan blues.
“No, he’s very supportive. Si Mark, very supportive naman sa lahat ng ginagawa ko. It’s just that, iba lang siguro talaga ‘yung priorities namin ngayon and hindi lang kami talaga. . . kumbaga, mas okay muna na hiwalay kaming dalawa,” paliwanag niya.
Sey pa niya, maayos daw ang naging paghihiwalay nila ni Mark at walang third party na involved.
Hindi rin masabi ni Winwyn kung nasa anong stage na siya sa pagmo-move on sa breakup nila ni Mark.
“Actually, hindi ko masagot ‘yan kasi sakto rin na busy ako, eh. And medyo fresh pa, eh, so hindi ko alam kung nasaang stage. Hindi ko alam kung may stage ba ‘yun, eh,” medyo natawang sabi ng aktres.
“Buti na lang, ngayon, sobrang concentrated ako sa mga projects na ibinibigay sa akin,” dugtong niya.
Gayunpaman, hindi naman niya ikinaila na iniyakan din niya ang naging breakup nila ng ex.
“Pareho naman kaming apektado pero mutual naman iyon naging desisyon namin,” aniya.
Hirit pa niya, nanatili raw silang magkaibigan ni Mark at never daw niya itong in-unfollow sa social media, bagamat may mga pictures daw silang hindi na visible sa kanyang Instagram.
“Mas ma-post kasi si Mark kesa sa akin. Iyong mga photos, hindi ko talaga tinanggal, itinago ko lang. Hindi siya deleted, itinago ko lang. Naka-hide lang siya,” esplika niya.
Ayaw din niyang magsalita nang tapos kung over na ang kabanata ni Mark sa kanyang buhay.
“Ayokong magsalita nang tapos baka mamaya, bukas, nagkabalikan na kami. Pero ngayon, hindi talaga,” pagtatapos niya.
Mapapanood si Winwyn sa “Time and Again,” isang isang fantasy-romantic-comedy movie na handog ng Regal Entertainment simula sa Pebrero 20.
Tungkol ito sa time travel na idinirehe ng premyadong scriptwriter-director na si Joey Reyes.
Papel ni Apple, isang Wattpad writer na may sariling mundo at no boyfriend since birth na nakatagpo ang man of her dreams na si Ozzi (na binibigyang buhay ni Enzo Pineda) ang role ni Winwyn sa naturang pelikula.