May 23, 2025
Excited, nervous Maine Mendoza as movie with Carlo Aquino will hit cinemas October 16
Latest Articles

Excited, nervous Maine Mendoza as movie with Carlo Aquino will hit cinemas October 16

Oct 1, 2019

Marami na ang naghihintay sa bagong tambalan nina  Carlo Aquino at Maine Mendoza sa pelikulang “Isa Pa With Feelings” ng Black Sheep Productions at  APT Entertainment.

Dahil malapit na itong ipalabas, aminado ang phenomenal  Dubsmash Queen na si Maine  na sobra siyang nae-excite.

“Excited ako. May konting kaba. Pero mas excited kaming dalawa kasi marami na rin ang nag-aabang,” aniya.

Aminado rin siyang noong una ay nag-adjust sila sa isa’t-isa ni Carlo lalo pa’t nanggaling sila sa magkaibang networks.

Gayunpaman, nagpapasalamat siya dahil  na-break nila ang ice sa pagitan nila nang maging kumportable na sila sa isa’t-isa.

“Malaking tulong po iyong familiarity workshops namin noong una. Naka-four sessions po kami. Doon nakilala namin ang isa’t –isa. Marami rin kaming nalaman with each other. Very approachable naman at very friendly si Carlo. Feeling ko, nabuo rin iyong friendship namin sa set,” paliwanag niya.

Katunayan, dumating daw na nag-aasaran na sila sa set dahil naging kampante na sila sa pakikipagtrabaho sa isa’t-isa.

Sa mga ‘kilig moments’ nila sa pelikula, hindi na rin naman daw sila nailang  kahit pa may mga respective partners sila at inspirasyon sa tunay na buhay. 

“Ako, hindi naman kailangang mailang. Very professional naman si Carlo and we treat everything as work,” esplika niya.

Sa tanong naman kung may posibilidad na mag-fall sila sa isa’t isa kung sakaling pareho pa silang malaya at hindi committed sa kanilang mga dyowa, game rin na sinagot ito ng tinaguriang phenomenal star. 

Aniya, posible raw ito dahil maraming character traits si Carlo na para sa kanya ay lovable at  hinahanap din ng sinumang  babae.

“Gusto ko ang pagiging mysterious niya. Gusto ko iyong ganoon. Iyong iisipin ko kung ano ang kanyang iniisip, at saka ako, parang macha-challenge ako sa kanya. As Maine, iyong ang gusto ko sa lalake,” pagbabahagi niya.

Ginagampanan ni Maine ang role ni Mara, isang architect na nakita ang kanyang soul mate sa katauhan ni  Gali, ang kapitbahay niyang  bingi at isang sign language teacher. 

Ayon pa kay Maine, sa pagpo-portray ng mga deaf-mute , naging sensitibo rin sila sa pagpapakita nito sa pelikula dahil gusto nilang maipakita ito nang makatotohanan na walang  na-o-offend  na mga tao.

Tungkol naman sa pressure na mapantayan o mahigitan ang record na itinala ng Kathden sa “Hello, Love, Goodbye,” ang highest grossing Pinoy film of all time, kung saan bida ang kanyang original love team partner na si Alden, nilinaw niyang wala siyang ilusyon  na lampasan ang anumang na-achieve nito.

“Honestly, wala po kaming gustong patunayan o lagpasan. Wala po kaming ini-aim na pantayan o makamit iyong nakamit nila. We’re very happy sa success nila. Ang aim lang po namin ay makagawa at magkaroon ng magandang pelikula,” pagtatapos niya.

Mula sa direksyon ng acclaimed director na si Prime Cruz (Can We Still Be Friends?, Ang Manananggal sa Unit 23B, Sleepless) kasama rin sa cast sina Lotlot de Leon, Cris Villanueva, Nikki Valdez, Kat Galang, Vangie Labalan, Rafa Siguion Reyna, Geleen Eugenio at marami pang iba.

Palabas na ang pelikula sa lahat ng mga sinehan sa  buong bansa simula sa Oktubre 16.

Leave a comment