May 22, 2025
‘F*#@bois’ not “malaswa” says director Eduardo Roy
Latest Articles

‘F*#@bois’ not “malaswa” says director Eduardo Roy

Aug 5, 2019

Malaking hamon para sa award-winning director na si Eduardo Roy, Jr. ang paggawa ng pelikulang “F*#@bois” na kasalukuyang dinudumog ngayon sa ika-15 edisyon ng Cinemalaya Independent Film  Festival.

Sey pa niya, matapang ang pelikula ang temang gustong talakayin nito.

“Ang pelikulang ito ay tungkol sa magkaibigan na maraming followers sa social media. Parang sikat sila sa IG at sa Instagram, sa facebook and then, nangangarap silang maging artista o celebrity. Ang conflict ng movie is nakagawa sila ng video na sa tingin nila ay ikasisira nila kapag kumalat. So, ang goal nila is to delete the video. 

Napakasimpleng story lang siya na nangyari sa isang araw pero mahirap ang pinagdaanan noong mga karakter,” kuwento niya.

Aminado rin siyang naging challenge sa kanya ang paghahanap ng mga bidang magbibigay sa kanyang mga lead na sina Mico at Ace.

“Marami ang nag-audition, pero iyong kinakailangan ng karakter na innocence ay nakita namin kay Kokoy at iyon namang may pagka-hustler ay natagpuan namin kay Royce,” ani Direk Edong.

Ginawa rin daw niya ang pelikula para magkaroon ng representasyon ang mga kalalakihan at millennials sa kanyang pelikula.

“Iyon kasing first film ko was Bahay Bata, about mothers and women. Iyong next ko was Quick Change about transgenders at mga kapatid natin. Iyong pangatlo ko na Pamilya Ordinaryo was about teenagers sa kalsada. So, ginawa ko ito dahil parang hindi pa ako nagta-tackle ng tungkol sa mga kalalakihan at millennials, so naisip ko na gawing kuwento. It was loosely based sa mga news items so may mga pinagbasehan ako. Tungkol siya sa mga lalakeng sikat sa social media, na maganda ang bihis at nakikita mo at pina-follow sa facebook. Palaisipan kasi kung paano nila name-maintain ang kanilang lifestyle e, wala naman silang work, naggy-gym sila everyday at bakit nila nami-maintain iyon. Baka may dark secret ang mga ito. So iyong ang mas tinackle ko sa story ko,” paliwanag niya.

Nilinaw din niya na hindi negatibo ang ibig sabihin ng fuccboi.

“Hindi siya negative. Kasi iyong fuccbois tulad ng sinabi ng aming producer could be a term also for pablings o millennials at sa paraan ng kanilang pananamit. Noong ipresent ko siya sa Cinemalaya , ako as a filmmaker , hindi ko siya tinitingnan na malaswa na term o word kaya ginawa ko siya. May mas malalim na kahulugan siya. Once you watched the film, you will get to understand them more at kung bakit sila nasadlak sa ganoong situwasyon,” esplika niya.

Hindi rin niya ikinaila na pinapanood niya ng gay porn ang dalawa niyang bida  bilang paghahanda sa kanilang daring na mga eksena.

“Kailangan kasi siya sa kuwento dahil nasangkot nga sila sa sex video at para na rin magkaroon sila ng ideya kung ano ang kailangan ng kuwento,” ani Direk Edong.

Ang Fuccbois ay kuwento ng dalawang lalakeng nangangarap na maging aktor at gagawin ang lahat para matupad ang kanilang mga pangarap.

Bida rito sina Kokoy de Santos at Royce Cabrera. Kasama sa supporting cast sina Ricky Davao, Mimi Juareza, Ruby Ruiz at marami pang iba.

Iprinudyus ito ng Found Story at ng Frontrow Entertainment ni RS Francisco at  idinirehe ng ang award-winning director na si Eduardo Roy, Jr. ng Pamilya Ordinaryo, Quick Change at Bahay Bata.

Leave a comment