
Film Director dissapointed with his movie outcome
By Rodel Fernando
Marami nang pelikula ang tumatalakay sa buhay at kapalaran ng mga Overseas Filipino Workers pero naiiba ang handog ng Felix and Bert Film Productions na “Magtanggol” dahil sa tema nitong kailangang lumaban at ipagtanggol ang karapatan ng mga manggagawa sa kanilang pinagtatrabauhan. Itinuturo sa pelikula na hindi sa dahas o bayolenteng pamamaraan dapat gumanti kung ang isang worker ay na-agrabiyado ng isang employer. Na kailangang ito ay dumaan sa legal na pamamaraan. Ang pelikula ay para sa mga OFW natin at sa kanilang pamilya. Nakakalungkot lang nang ipalabas ang pelikula noong June 8 ay hindi ito sinuportahan ng mga tao. Bagay na talaga namang nakakadismaya dahil ito ay pelikulang sariling atin. Mas nakabalandra pa sa mga sinehan ang ibang mga pelikulang banyaga na hindi naman kagandahan ang pagkakagawa. Hindi natin masisisi na may mga producer at direktor na ayaw nang gumawa ng pelikula dahil sa mga ganitong pangyayari. Panahon na siguro para bigyang pansin ng gobyerno ang nangyayaring ito sa local films. Obvious kasi na mas pinapaboran sa mga sinehan dito sa atin lalo na sa mga mall ang foreign films. Di man alisin ay dapat sigurong limitahan ang mga sinehang pinaglalabasan ng mga pelikulang banyaga. Maraming beses na rin naming nakikita lalo na sa isang mall na lahat ng butas ng sinehan nila ay puro foreign films ang palabas at kahit isang Pelikulang Pilipino ay wala.
Kaya naman, naiintindihan namin ang apela o galit mang pakiramdam ngayon ng direktor ng MAGTANGGOL na si Sig Barros. Sa kaniyang facebook page ay buong ningning niyang inilabas ang kanyang sentimyento. Narito ang kaniyang buong pahayag:
“Nakakalungkot. Nanood kaming mag-asawa kanina ng pelikula namin sa SM. Wala kaming nakitang trailer namin na ipinapalabas sa lobby ng sinehan as promised by SM. Ni walang movie poster. Sabi pa ng SM na ipopromote nila dahil OFW month daw ng SM. Pero wala. Puro Hollywood basura shit ang nandoon.”
“Nangumbinsi pa kami ng students kanina para may manood. Magba-bribe pa sana kami kaso walang pambribe. Tapos ngayong gabi nabalitaan ko na pinullout daw ng SM Megamall ang pelikula kasi walang nanonood. E papunta pa lang ng gabi ang mga barkada namin at palabas pa lang ng mga opisina! Harsh! Bad trip! Sa SM Manila kung saan kami nanood, nakapaligid ang mga eskwelahan gaya ng PLM, Mapua, Letran, Lyceum, at iba pa. Malamang kalahati o higit pa ng mga estudyante na nag-aaral dito ay pinag-aaral ng pera ng kamag-anak nilang OFW. Pero nasaan ang mga anak, kapatid, pamangkin, at apo ng mga tinaguriang bagong bayani? Nakita naming nakapila sa pelikulang basura ng Hollywood! Nakakapang-init ng dugo! You make a film for them but they’re not around.”
“Aminado ako na may problema nga sa marketing ng pelikula. Walang TV Ad, walang writeups sa magazines or sa Inquirer, hindi pinag-uusapan sa social media (until recently dahil kay VMiguel Gonzales),. Heck! Ni hindi nga pinromote ng isa sa mga major stars ng film nung magguest siya sa isa sa toprating shows ng network nila! Nagyayaya nga akong magpromote sa isang major call center company malapit sa Megamall, walang gustong sumama! Kaya hayun!”
“Walang nanood sa Megamall! Paumanhin kung ako ay naglilitanya. Nasasayangan lang ako sa pelikula. Gumawa ka ng para sa mga kababayan mo pero ayaw nila. Mas gusto nila sa basura. Ayaw nila sa pelikulang may puso na ginawa para sa kanila. Sabi nga nina Ely Buendia, “Pinilit kong iahon ka. Pero ayaw mo namang sumama!” Hindi siguro para sa mga Pilipino dito ang pelikula. Para sa mga taga-ibang bansa. Kawawa ang mga anak ng OFW. Hindi nila mararamdaman ang hirap ng mga magulang nila. Kaya ganun na lang nila balewalain ang paghihirap nila. At ang SM, kinang-ina nila! Pera-pera talaga ang utak nila! Pinapatay nila ang mga gumagawa ng mga maliliit pero makabuluhang pelikula! Bawal tumalino ang audience ng SM. Gusto nila manatiling tanga.”