
General Sermonia salutes PTV-4’s new show “Saludo”
Maganda ang concept ng bagong programa ng PTV 4 na “Saludo” na handog ng LSY Productions ni Leonora Sy sa pakikipagtulungan ng PNP-Police Community Relations Group o PCRG sa pangunguna ni General Rhodel Sermonia.
Kabutihan ng isang tao ang magiging sentro ng bagong programa na magpapakita sa mga kahanga-hanga at kabayanihan ng mga ito. Magsisimula nang umere ito sa darating na Linggo, January 27 sa ganap na ika-8 ng gabi.
Sa pakikipanayam namin kay General Sermonia kamakailan sa Camp Crame, Quezon City ay bakas sa mukha ang kaniyang kasiyahan sa proyektong ito.
“Napakaganda ng konsepto ng “Saludo” kasi ito ay magpi-feature sa mga heroic acts, sa mga magagandang gawain ng ating mga kababayan from all walks of life.
“Ibig sabihin, hindi lang sa sundalo, hindi lang pulis, puwede ring ordinaryong mamamayan na gumawa ng isang napakabuting gawain para siya ay ating saluduhan na makakapagbigay ng inspirasyon sa ating mga kababayan.”
Magsisilbing host ng “Saludo” si General Sermonia kasama si Leonora Sy at posible ring maitampok ang kuwento ng mga buhay nila sa programa.
“Posible rin. Hindi sa bubuhatin ko ang aking bangko ay marami rin po tayong naiambag sa ating lipunan na nakabuti sa ating mga kababayan,” tugon ng heneral.
“Actually, puwede naman. Maraming kuwento ng buhay ko ang makakapagbigay inspirasyon sa mga tao. Dami kong mga struggle na pinagdaanan na kapupulutan ng aral,” sabi naman ni Leonora.
Bukod kina General Sermonia at Leonora Sy, mapapanood din sina Dennis Macalintal at ang mga Guwapulis bilang mga aktor na magsisiganap sa palabas. Ang programa ay sa direksiyon ni Bahjo Cabauatan.