
Gerald Anderson hopes to inspire people with his new teleserye
First time ng Kapamilya actor na si Gerald Anderson na gumawa ng sports drama kaya excited siya kung paano tatanggapin ng publiko at ng Kimerald fans ang kanilang teleseryeng “Ikaw Lang ang Iibigin.”
“Personal goal ko kasi na maka-inspire in our own little way para sa mga taong mag-exercise. Na magkaroon ng happy and healthy lifestyle,” aniya.
Nakaka-relate rin si Gerald sa kanyang role bilang triathlete dahil bukod sa kanyang athletic build ay mahilig din siya sa sports tulad ng triathlon.
“Noong ini-offer nga ito sa akin, sabi ko, ito iyong gusto kong show na gustong i-share sa mga kaibigan ko, hindi lang dahil sa challenge kundi sa advocacy nito. Sobrang happy ako dahil may platform o chance ako para makapag-inspire sa ibang tao,” paliwanag niya.
Bentahe rin sa kanya na nakasali na siya at na-experience ang triathlon.
“Noong una akong sumali, halos hindi ako makakain. Nahirapan din akong lumakad after the race but iyong experience na nakilala mo ang ibang tao who share the same passion for the sport, hindi ko siya maipagpapalit dahil worth it siya,” pahayag niya.
Paliwanag pa niya, ang triathlon ay hindi lamang sa immersion niya sa kanyang karakter dahil naging lifestyle na ito para sa kanya.
“Lifetime na siya para sa aming lahat, although hindi naman siya iyong ganoon ka-intense. Opportunity din siya para mas lumawak ang bonding namin ng mga kasama ko sa set,” esplika niya.
Kahit noong wala pa siya sa showbiz, pinangarap na ni Gerald na makasama sa isang national team na magku-compete sa ibang bansa.
“Iyong ngang LA marathon, it was a dream come true for me,” sey niya. “Bata pa ako, pinangarap ko nang mag-represent o mag-compete sa national team. Kung wala lang akong taping o shooting, gusto ko siyang subukan,” dugtong niya.
Ang “Ikaw Lang ang Iibigin” ay hindi lang isang sports drama kundi isang love story din.
Sa kanilang reunion project ni Kim, nagpapasalamat ang actor dahil pumayag ito sa kanilang balik-tambalan.
“Hindi na kasi siya maiiwasan. Inevitable na siya dahil matagal na rin naman kaming hindi nagsama. Sobrang blessed lang at thankful ako dahil kung wala siya, wala rin ako. Thankful din ako sa fans namin na buo pa rin ang suporta sa amin,” ayon kay Gerald.
Naniniwala rin si Gerald na dumating na sila sa punto ni Kim na na-outgrow na nila kung anuman ang nangyari sa kanila sa nakaraan.
“We’re both mature now and I think, wiser,” pagtatapos niya.
Ang “Ikaw Lang ang Iibigin” ay kuwento ng dalawang magkababatang pangarap na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya. Magkakalayo sila sa pagtahak ng magkaibang landas subalit muling pagtatagpuin ng tadhana.
Sa balik-tambalang ito ng Kimerald, kasama rin sina Jake Cuenca at Coleen Garcia.
Nasa powerhouse cast din sa pinakakaabangang teleserye ng bayan sina Gina Pareno, Bing Loyzaga, Ayen Munji-Laurel, Michael de Mesa, Daniel Fernando, Dante Rivero, Nicco Manalo, Ivan Carapiet, Andrea Brillantes at Grae Fernandez. Ito sa direksyon nina Dan Villegas at Onat Diaz.
Ang pinakahihintay na balik tambalan ng Kimerald ay mapapanood na sa ABS-CBN simula sa Mayo 1, Lunes hanggang Biyernes bago mag-It’s Showtime