
Gerphil Flores denies any hard feelings for Kris Aquino at Ai Ai Delas Alas
Nais ng ‘Asia’s Got Talent’ grand finalist na si Gerphil Flores na matigil na ang isyung may sama siya ng loob kina Ai Ai delas Alas at Kris Aquino o maging sa ABS CBN. Sumali kasi siya dati sa ‘Pilipinas Got Talent’ pero hindi ito pinalad na makapasok sa Grand Finals. Nag-‘no’ kasi sina Kris at Ai Ai. Tanging ang ikatlong judge na si Freddie Garcia ang nagbigay ng ‘yes’ para sa kanya.
“Paulit-ulit ko nga pong sinasabi sa media. Sinasabi ko po na wala po akong sama ng loob kay Ms. Kris (Aquino) at saka kay Ms. Ai Ai,” sabi ni Gerphil sa isang panayam ng Philippine Showbiz Republic (PSR) sa kanya.
“Tapos ‘yung mga comments, ‘yung mga bashers naman po ay nanggagaling sa mga followers. Wala naman po akong control doon. Yung iba, hindi ko naman kakilala at wala akong kinalaman,” paliwanag pa niya.
“Ang sinasabi ko po sa kanila (mga bashers), alam ko na sila (Ai Ai at Kris) bilang mga hurado, mayroon silang karapatan na magbigay ng sarili nilang komento tungkol sa performance dati ng mga contestants sa ‘Pilipinas Got Talent.’ Bilang participant, inirerespeto ko ‘yun. In fact ang dami-dami kong natutunan sa journey ko dati sa ‘Pilipinas Got Talent,’” dagdag pa ni Gerphil.
“Sabi ko… ‘hindi ko pa siguro panahon.’ Hindi ko pa ‘yun time kaya ganun.
Kung magkakaroon kami ng chance na mag-meet, I will grab the opportunity. Para din matigil na ‘yung isyu na baka may sama ako ng loob sa kanila (ni Kris).”
Sa hangarin niyang matuldukan na ang ganitong usapin, kagabi nga, Miyerkules, June 3, ay nag-guest si Gerphil sa ‘Aquino & Abunda Tonight.’ Sayang nga lang at wala si Kris Aquino dahil namamaos na ito at kailangan ng sandaling pahinga.
Pero sa harap ni Boy Abunda ay mariin ulit na nilinaw ni Gerphil na wala siyang sama ng loob o tampo kay Kris, kay Ai Ai, o sa ABS-CBN.
“Actually ‘yung mga gumagawa ng issue, kung sinu-sino lang po. Hindi po talaga nanggagaling sa akin,” bulalas ni Gerphil.
Marami ang nagtatanong at curious malaman, paano nag-umpisa ang kanyang hilig sa classical music?
“Siguro po, na-influence ako ng mother ko at saka ‘yung lolo ko na isang classical guitarist. Pero hindi sila nag-formal training, hilig lang po talaga nila,” kuwento niya.
“Favorite nilang making ng music. Actually iba-ibang genre naman po ang pinapatugtog sa bahay. It’s just so happen na I got interested talaga sa classical music.”
Ano ‘yung unang classical music na natutunan niyang kantahin?
“I think ‘yung sa ‘Magic Flute’ ni Mozart.”
Nakakabilib ang sobrang taas ng kanyang boses. Paano niya ito inaalagaan?
“Discipline lang po talaga dapat. Kailangan meron kang discipline sa sarili mo physically, mentally, ang emotionally,” aniya.
Iniiwasan ba niyang uminom ng malamig na tubig, o kumain ng mga chocolates gaya ng ibang kilalang singers?
“Kumakain naman po ako ng chocolate. Pati ice cream. Actually depende po iyon per individual. Sa sensitivity ng throat nila.”
Sa grand finals ng ‘Asia’s Got Talent’ noong in-announce ang top 2 na El Gamma Penumbra at ‘yung talents from Mongolia, parang nabanaag sa expression ng mukha niya na she was upset?
“Alam n’yo kasi ang nangyari, when they announced na hanggang top 3 nga lang po ako… ang El Gamma, thirteen members sila kasi, when they heard the announcement, pinalibutan nila ako. And sila mismo ‘yung unang umiyak. ‘Yung thirteen member na umiiyak at yayakapin ka, ewan ko lang kung hindi ka madamay,” paglalahad pa ni Gerphil.
“Siyempre na-touched ako. Bago pa man po lumabas ang result, backstage sabi namin… ‘kahit anong maging resulta basta Pinoy ang manalo, masaya na kami.’ We support each other,” pagtukoy niya sa El Gamma at dalawa pang Pinoy na nakapasok bilang finalist, ang ten year old singer na si Gwyneth Dorodo at ang Junior New System dance group.
Marami rin ang nakapansin na matapos ang announcement ng winner ay may ibinulong sa kanya ang isa sa judges na si David Foster. Marami ang naiintriga kung ano raw ba ang sinabi nito sa kanya?
“Words of encouragement lang po. Marami nga ang nag-iisip na baka nag-offer daw ng contract or anything, wala po. Positive feedbacks from him lang po iyon after na-announce na ‘yung grand finals winner,” paliwanag niya.
May mga offers ba sa kanya to perform abroad?
“Meron na rin po. Mayroon from Singapore at Australia.”
Initially, what does she plan to do?
“Hopefully magkaroon ng album if given a chance. Sana. Pero sa ngayon po, tina-try kong i-balance ‘yung schedules ko. Siyempre nandidiyan ‘yung school.”
“I’m taking up music sa UP (University Of The Philippines). So tinitimbang ko lang po muna kung ano ang mas ipa-priority ko.”
But does she wish to get work and projects abroad as an artist so that she can share her talent to more people?
“Of course. Talagang isa po sa mga goals ko ‘yung mai-represent ko ang Philippines sa buong mundo.”
So ibig sabihin ba niya ay mag-a-auditon siya sa mga London musicals na parang mga West End?
“Why not? I’m a huge fan of Broadway musical so if given the chance, talagang magta-try din ako. Gusto ko ‘yung ‘Phantom Of The Opera.’ Interesado ako sa mga ganun.”