
Gladys Reyes proves she can win an acting award without playing a villain
Si Gladys Reyes ang nanalong best supporting actress sa katatapos lang na Gawad Urian. Ito ay para sa mahusay niyang pagganap bilang asawa ni Allen Dizon (na nagwagi namang best actor) sa “Magkakabaung.”
“Sobrang tuwang-tuwang ako,” pahayag ni Gladys nang makausap ng Philippine Showbiz Republic (PSR). “Dahil first two indie films pa lang itong mga ginawa ko. At ‘yun lang napansin nila ang pagganap ko both sa “Magkakabaung” at “Barber’s Tales,” napakalaking palakpak na sa akin ‘yun, e. What more ‘yung ma-nominate ka pa at manalo bilang best supporting actress ng Urian?”
Umasa ba niya na siya ang mananalo?
“Oo naman. Hindi na ako magpapaka-plastik. Di ba kapag naman na-nominate ka, siyempre unang-una… para mag-hope ka na manalo ka dapat,” sabay tawa niya.
Was there a time ba na she’s nominated pero na-disappoint siya na hindi siya nanalo?
“It’s not more of disappointment. Pero ‘yung sa akin is more of panghihinayang. Pero iniisip ko na lang, siguro hindi pa iyon ang time. Naniniwala ako na there is always the right time for everything.”
Mabigat ang nasa line up ng best supporting actress nominees na kinabibilangan nina Shamaine Buencamino (Barber’s Tales), Iza Calzado (Barber’s Tales), Alessandra de Rossi (Mauban” Ang Resiko), Barbie Forteza (Mariquina), Karenina Haniel (Mula Sa Kung Ano Ang Noon), at Gloria Sevilla (M: Mother’s Maiden Name). Sa mga pangalang nabanggit, kanino siya mas kinabahan na feeling niya mahirap talagang talunin?
“Sa lahat sa kanila. Isa-isahin natin ha: Si Alex (Alessandra de Rossi), know nang napaka-makatotohanan iyan kapag gumanap, di ba? Magaling siya doon sa “Mauban: Ang Resiko.” Siyempre si Ate Shamaine, kasama ko sa “Barber’s Tales,” alam na alam ko rin kung ano ang ipinakita niya doon, di ba? Dahil nga magkasama kami sa pelikula. Same with Iza Calzado. We know naman na isang napakagaling niyang versatile actress.”
“And of course si Barbie (Forteza), di ba? Isa sa mga new generation actress natin ngayon pero makikita mo rin na bagamat bata pa, may lalim umarte at nanalo na rin siya doon sa performance niya sa “Mariquina.”
Then si Tita Glo (Gloria Sevilla) na bukod sa matagal na siya sa industriya ay gustong-guto ko rin ang pagganap niya sa “M: Mother’s Maiden Name.”
“Napanood ko rin siya [Gloria Sevilla] doon, e. At sa totoo lang, nagagalingan din ako sa kanya doon. Basta, iba-iba kasi ang ipinakita namin. Ngayon, it’s up na lang sa manunuri kung sino sa tingin nila ‘yung sabihin na natin na medyo tinablan sila doon sa kanilang napanood.”
At siya nga ang pinalad na manalo para sa Gawad Urian.
“Salamat po sa Panginoong Diyos dahil napakagandang birthday gift sa akin itong pananalo ko ng Gawad Urian. Sa mga kapita-pitagang manunuri ng pelikulang Pilipino, maraming maraming salamat po sa pagbibigay-pansin ninyo at pagpapahalaga ninyo po doon sa naging pagganap ko. At siyempre po sa aking pamilya, sa mama at papa ko dahil wala naman po ako dito kung hindi dahil sa kanila. Sa aking pinakamamahal na asawa sa 23 years na love and support, at sa aming mga anak.”
“Of course maraming-maraming salamat din po sa aking MTRCB family sa suporta din nila. Sa aking Moments (celebrity talk show niya sa NET 25) family, maraming salamat din po. Of course, wala po ako dito ngayon kung hindi dahil sa aming pelikulang “Magkakabaung.” Sa amin pong producer (nag Magkakabaung), salamat. At sa aming direktor, sa aking Kabalen na si Direk Jason Paul Laxamana. Allen (Dizon), dakal na salamat. Kuya Dennis Evangelista and of course Kuya Ferdie Lapus, dakal na salamat din sa inyo sa pagtitiwala ninyo sa akin.”
“At gusto ko rin pong i-share itong award na ito sa akin pong “Barber’s Tales” family. Dahil po ang “Magkakabaung” at ang “Barber’s Tales” ang dalawa pa lamang sa pelikula na nagtiwala po sa akin.
“Na nagbigay sa akin ng pagkakataon na bukod sa pananakit at pang-aapi ko sa bida ay meron pa pala akong ibang puwedeng ipakita! Kaya sabi ko nga… sobrang ipinagmamalaki ko ang “Barber’s Tales” at “Magkakabaung.” Dahil pinagkatiwalaan ako dito ng role na hindi kontrabida.”