
Glydel Mercado on her faith: Nandiyan si Jesus, hindi naman para sambahin iyong mga santo
Balik-pelikula at pagbibida ang magaling na aktres na si Glydel Mercado.
Siya ang lead actress sa pelikulang “Poon” (The Image), isang horror movie na kalahok sa 2018 Cine Filipino filmfest.
Ang “Poon” ay kuwento ng isang relihiyosang babae at ng kanyang anak na nakaranas ng malagim na pangyayari pagkatapos iuwi ang misteryosong imahe ng santong si San Vargas sa kanilang tahanan.
Ayon pa kay Glydel, akmang-akma raw sa kanya ang karakter ng istorya.
“Very, very happy ako na ako ang napiling mag-portray ng bida. Kasi, unang-una, mahilig talaga ako sa horror films at talagang iyong Poon, mahilig talaga ako sa mga santo. Noong nag-email nga sa akin ng iskrip, nagustuhan ko agad siya kasi sabi ko, akong-ako ito,” aniya.
Aminado rin siyang isa siyang Katoliko.
“May mga images ako sa bahay. May mga altar ako. May Mary, may Sto. Nino,” sey niya.
Gayunpaman, hindi raw naman niya labis na sinasamba ang mga rebulto.
“Para sa akin para i-remind lang na nandiyan si Jesus, hindi naman para sambahin iyong mga santo. Talagang nandiyan lang si Jesus at si Mama Mary so, talagang naniniwala ako roon.”
Inamin din niyang nag-lie low siya sa showbiz hindi dahil binabawalan siya ng kanyang asawang si Tonton Gutierrez at biyenan na si Liza Lorena.
“Ako naman kasi minsan din, pag alam ko iyong iskrip walang pupuntahan, hindi ko rin tatanggapin. Kasi, bakit sasayangin mo iyong acting mo at iyong panahon mo tapos wala namang pupuntahan iyong istorya. Hindi naman sa namimili, gusto ko rin namang maganda ang project na tatanggapin namin,” bida niya.
Gusto rin daw niyang magtrabaho para paminsan-minsan ay suportahan ang kanyang pamilya.
“Very thankful nga ako na hindi ako pinipigilan ni Ton na tumanggap ng mga projects even soap operas. Siyempre, kahit papaano, ako ang nagsu-support sa family ko at sa Kuya ko. Gusto ko rin namang may trabaho ako para sa pamilya ko na ayaw kong iasa kay Ton,” paliwanag niya.
Kuntento rin daw siya sa kanyang buhay bilang may asawa at may mga anak.
“I have two daughters. Grade 3 na iyong panganay at grade 1 na iyong bunso ko. Actually, minsan si Tonton pa ang hands-on sa mga bata. Siya iyong uma-attend ng PPC o sa mga school meetings, kahit sa graduation ng anak ko kasi minsan, may taping ako,” deklara niya.
Wala na rin daw siyang mahihiling dahil kasundo niya ang kanyang biyenan na si Liza Lorena.
“Sa totoo lang, mas partner in crime ko pa si Mamita (Liza). Napakasuwerte ko sa kanya. Very, very cool siya. Halimbawa, may party, ayaw akong painumin ni Ton, sasabihin ni Mamita , “O, Baby, nakatalikod si Ton, sige sip ka na nang sip. Iyong mga ganoong small things, pero nakakatuwa,” pagbabahagi niya.
Sa pagpapalaki ng dalawa nilang anak, mas istrikto raw si Tonton sa kanya.
“Istrikto ako pero mas istrikto si Tonton,” pakli niya.
Isang Urian award-winning actress si Glydel na nakilala sa pelikulang “Sidhi” noong 2000.
Nasa cast din siya ng Kapuso teleseryeng “The Stepdaughters.”
Bukod kay Glydel, tampok din sa “Poon” sina Shy Carlos, Yayo Aguila, Mon Confiado, Rolando Inocencio, Chanel Latorre, Erlinda Villalobos at Kriz Martinez.
Mula sa panulat at direksyon ni Roni Benaid, palabas na ito sa mga piling sinehan mula Mayo 9 hanggang 15.