
A golden celebration of the Superstar Nora Aunor
Abalang-abala ang mga tagahanga at supporters ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor para sa preparasyon sa pagdiriwang nito ng kaniyang ika-50 anibersaryo sa showbiz na magaganap bukas, October 14.
Gusto sana nilang sorpresahin si Ate Guy pero minabuti na lamang na malaman ito ng aktres kaya naman maging siya ay may mga taong inimbita na malapit sa kaniya para saksihan ang pagtitipon.
Walang alam ang Superstar sa magiging takbo ng pagdiriwang. Marami raw inihandang pakulo ang kaniyang mga tagahanga na siguradong ito ang ika-susorpresa ng batikang aktres.
Sa Sampaguita Gardens sa Quezon City gaganapin ang okasyon na kung saan ang lugar na ito ang saksi at simula ng lahat ng tagumpay ng aktres.

Sa lugar ding ito nakagawa ng sangkaterbang pelikula si Ate Guy na tinatapos lang ng ilang araw pero lahat ay naging patok sa takilya.
Walang kompirmasyon na darating ang lahat ng anak ng aktres pero sigurado raw ang pagdating na ni Matet de Leon at may posibilidad na darating din daw si Ian de Leon lalo pa’t nagkitang muli ang mag-ina sa isa namang pagtitipon ng Guy and Pip supporters na dinaluhan nila. Bakas na bakas daw sa mukha ni Nora ang kaligayahan sa muling pagkikita nila ng anak, asawa nito at kaniyang apo.
October 7, 1967 nang pumirma si La Aunor sa Sampaguita Pictures. Bago pa man ang pagpirma niya ay kinilala na siyang mahusay at matagumpay na singer dahil sa singing contest na Tawag ng Tanghalan.
Sa loob ng limang dekada hanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang nagpapaligaya at nagpapasaya sa kaniyang fans. Wala pa ring tigil ang mga pagkilala sa kaniya sa kaniyang husay sa pagganap.
Gumagawa pa rin siya ng mga pelikula na hindi lamang hinahangaan dito sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo.
Hindi nga matatawaran ang naiambag niya sa lokal na aliwan. Maraming mga artista ang binago ng panahon sa showbiz pero bukod tanging ang dating nagtitinda ng tubig sa tren ang bumago ng panahon sa showbiz.
Marami mang sumikat, pinalakpakan at hinangaang mga artista noon at ngayon pero iba rin ang ginawang marka ni Nora hindi lamang sa pelikula, maging sa musika, entablado, radyo at telebisyon ay hindi matatawaran.
Siya lang at wala nang iba ang totoong Multi Media Superstar. Happy 50 years Anniversary Ate Guy sa showbiz.
Mabuhay Ka!