
Gov. ER Ejercito promises to start SAF 44 film project after the elections
by Rodel Fernando
Marami ang nakakapansin sa hindi pagiging aktibo ngayon sa mga interview si Gov. ER Ejercito. Hindi kasi siya nakikita ngayon sa TV at maging sa pagpapa-interview sa radyo ay ganundin. Mula nang inagawan siya ng kapangyarihan bilang gobernador ng Laguna ay tila nanahimik ang actor-politician. Pero ang pananahimik niya ay hindi nangangahulugang ipinahinga na rin niya ang kanyang political career. Sa katunayan, abalang-abala siya ngayon sa pangangampanya sa lalawigan niya at ang balita nga ay tuluy-tuloy pa rin ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga tao na pinamunuan niya ng ilang taon. Sa totoo lang naman, mahal na mahal si Gov. ER ng kanyang mga kababayan dahil sa matino at mahusay niyang leadership.
Kahit nga hindi siya ang nakaupo ngayon sa puwesto ay tuluy-tuloy pa rin ang mga programa niya at mga proyekto niya para sa kaniyang mga kababayan sa Laguna. Nakakalungkot nga lang at inalis siya sa puwesto dahil sa overspending daw na ginastos niya diumano sa kampanya noong nakaraang eleksiyon.
Ganunpaman, sa kabila nang hindi magandang nangyari sa kanyang buhay-pulitika ay tuloy na tuloy ang laban niya at marami nga sa mga kababayan niya ang handang sumuporta sa kaniyang muli. At kung hindi man natin siya napapanood ngayon sa mga interviews ito ay dahil nga sa kanyang pagiging busy lalo pa’t ratsada na ngayon ang kampanyahan. Isa pa sa mga dahilan niya ay ang baka raw makapagsalita siya nang hindi maganda kay Pangulong Aquino at sa mga kaalyado nito.
Sa kanya namang showbiz career, tuloy pa rin ang pagsasapelikula niya ng SAF 44 na nabigong makapasok sa Metro Manila Film Festival 2015. Pagkatapos na pagkatapos daw ng eleksiyon ay aasikasuhin na niya ang shooting ng naturang pelikula. Samantala, ipinag-aanyaya naman niya na suportahan ang pelikulang “Ben Tumbling.” Ito ang launching movie ng kanyang anak na si Jerico Ejercito na malapit nang ipalabas sa mga sinehan sa ilalim ng direksiyon ng kaibigang Joven Tan.