Governor Vilma Santos hints she might possibly run for congress
By PSR News Bureau
Bagamat malayo pa naman ang susunod na eleksiyon, pero ngayon pa lang ay matunog na ang mga gustong kumandidato para sa iba’t-ibang puwesto sa gobyerno. May mga pahiwatig na binabalak daw tumakbo bilang kongresista sa lalawigan ng Batangas ni Governor Vilma Santos-Recto o di kaya naman ay kumandidatong muli bilang alkalde ng Lipa City sa darating na 2016 elections.
Ayon mismo kay Governor Vilma sa isang naging panayam sa kanya noon, “Ang Lipa po ngayon ay may sarili ng distrito. Ganun din sa Batangas City. Puwede akong mag-congresswoman, and then after three years, one term, I can go back as governor kung okay pa sa akin ang politics.”
May ilan ding humihimok sa kanya upang kumandidato sa mas mataas na posisyon gaya ng pagiging bise presidente. Pero sa kabila nito’y mariing itinatanggi ni Governor Vi ang mga alingasngas na mayroon daw siyang formal offer na maging katambal ang sino mang presidential candidate.Sinabi rin ni Governor Vi na hindi siya handang sumabak bilang bise president ng bansa. “I am not mentally, emotionally, and physically prepared. Kaya hindi ko ini-entertain [ang mga panliligaw na tumakbo siya bilang bise presidente].”
“Up to this time, hindi ko ma-imagine paano ko iikutin ang buong Pilipinas to campaign,” sabi pa ni Governor Vi. “That’s very important. Yung pulso ng tao, nandoon.”
Pangatlong termino na niya bilang Batangas governor, kaya’t hindi na muna siya puwedeng kumandidato sa parehong posisyon sa 2016. “I want to be governor. Ito yung talagang gusto ko. Kung puwede lang ma-extend, lalaban ako uli.”