May 24, 2025
Hashtag Nikko acknowledges PBB; helps him gain fans
Latest Articles

Hashtag Nikko acknowledges PBB; helps him gain fans

Apr 21, 2017

Ayon sa member ng grupong Hashtags na si Nikko Natividad, malaking tulong daw sa kanyang career ang pagiging housemate niya sa loob ng dalawang buwan sa Pinoy Big Brother Lucky Season 7. Mas marami na raw kasi ang nakakakila sa kanya ngayon.

“Before PBB kasi, kilala lang ako na member ng Hashtags. At ang mga nakakakilala lang po sa akin kadalasan, mga kabataan, millennials.

“Pero after PBB, ang nakakakilala na po sa akin, hindi lang mga teenager, mga matatanda kilala na rin  po ako,” sabi ni Nikko

Patuloy niya, “Ang dami ngang nagpapa-picture na rin sa akin na mga lalaki. Pag nagsisimba po ako, yung mga tatay laging sinasabi sa akin, ‘O iho, napanood ka namin (sa PBB).”

Dahil na rin daw sa PBB kaya nagkaroon siya ng pelikula with Ai Ai delas Alas, ang Bes, Ang Galing Mo (Uwian Na, May Nanalo Na), na gumaganap siya rito bilang anak ni Ai Ai na isang closetted gay. Ang direktor ng pelikula ay si Joel Lamangan.

Ayon kay Nikko, pinahanap daw siya mismo ni Direk Joel noong napanod siya nito sa PBB para mapasama sa Bes, Ang Galing Mo (Uwian Na, May Nanalo Na).

Kuwento ni Nikko “Nung nagpunta po kami ni Nanay (tawag ni Nikko kay Jobert) sa office ni Direk Joel para kuhanin yung script, sabi po noong isang staff dun, ‘O ayan galingan mo ha, kasi pinahanap ka talaga ni Direk Joel.

“So inisip ko po na baka napansin ni Direk Joel yung role ko sa PBB na nag-bading ako.

“Hindi na po kasi ako pinag-audition.  Binigay na lang po sa akin yung script. Malaking tulong po talaga sa akin yung PBB.”

Photo from Nikko's instagram account
Photo from Nikko’s instagram account

First time pa lang nakatrabaho ni Nikko si Direk Joel, pero aware siya na isa itong istriktong direktor, na naninigaw at nagmumura kapag nagkakamali ang mga artistang dinidirek niya.

“Alam ko po na mahigpit siya, kasi sinabi na po sa akin ni Nanay.

“Pero kunwari, after makunan yung isang eksena, pag nagliligpit na, kinakausap po niya ako,’Tumabi ka rito’ Tapos sabay po kaming kumakain.

“Minsan naman po, inaayos po niya yung damit ko.”

Nasigawan na ba siya ni Direk Joel?

“Ay, hindi pa po,pero napagsabihan na po niya ako.

“Kinausap ko naman po siya. Kasi baka nahihiya siya kasi nandun (sa set) si Nanay.

“Sinabihan ko naman po siya na ‘Okey lang po kahit pagalitan ninyo ako. Basta po pag may mali sa akting ko, sabihan ninyo lang po ako’

Pero handa na rin ba siya na mamura ni Direk?

“Handa na po ako,” sagot ni Nikko.

“Kasi naranasan ko na rin po sa ibang mga naging trabaho ko dati, like nung nag-waiter ako, na namumura ako.

“So pag minura niya ako, normal na sa akin yun.”

Leave a comment