
Hindi ako ‘yung naghahabol sa isang box-office hit—Aga Muhlach
May kasaling pelikula si Aga Muhlach sa Metro Manila Film Festival 2019, na isang Filipino adaptation, titled Miracle In Cell No. 7, mula sa Viva Films at sa direksyon ni Nuel Naval.
Gumaganap siya rito bilang isang mentally ill father. Anak niya rito si Xia Vigor.
Umaasa ba si Aga na magiging malakas sa takilya ang kanilang pelikula, na isa ito sa mga pipilahan sa walong pelikulang kasali sa taunang film festival?
“Ako naman siguro, concerned pa rin ako, pero hindi ako ‘yung naghahabol sa isang box-office hit. Basta ang nangyayari na lang sa akin, kung ano ‘yung pelikulang ginawa ko na masaya ako, ‘yon na ‘yon.
“Sa ngayon aaminin ko, talagang mahal ko ang pelikula. Gusto kong gumawa ng pelikula. Pero iba na ang sistema ng mga pelikula ngayon.
“Karamihan ng mga tao, nanonood ng palabas sa ibang platforms. Mas marami sa kanila ang nasa telebisyon naman.
“Pero ako, kahit ano ang sabihin nila, gusto ko ‘yung pelikula. Hindi ko maikakaila na ‘yan ang bumubuhay sa amin. ‘Yang pelikula ang naglagay ng pagkain sa mesa namin simula pa noong araw. Kaya ‘yan ay isang industriya na mamahalin mo, eh.”
Maipagmamalaki ni Aga ang Miracle In Cell No. 7.
“Palagay ko itong pelikula namin, bagay, hindi lang sa festival kundi lalo na sa Pasko. Kwento kasi ‘yan ng relasyon ng mag-tatay, eh.
“Dito sa atin, masyadong common na ‘yong kwento ng nanay at mga anak. Ang dami niyan, eh. Pero bihira ang gumagawa ng kuwento ng tatay, na hindi naman natin maikakaila na mahalaga rin.
“Kaya noong makita ko itong kwento, sabi ko agad, gusto kong gawin ito. Noong sabihin sa akin na isasali raw sa festival, sabi ko sa sarili ko, hindi ko na pakakawalan ito. Bihirang pagkakataon ito. Matagal ko nang hinihintay ito.”
Mahusay sa pelikula si Aga, kaya posible na siya ang tanghaling Best Actor sa MMFF Awards Night na gaganapin sa December 27.
“Hindi naman ako magdi-deny na masarap pa rin ang tumanggap ng maraming ganyan. Pero simula’t-sapul, mas mahal ko ang paggawa ng pelikula kesa sa tropeyo. Basta masaya akong gumagawa ng pelikula.
“Usually, sa araw na ‘yun, high na high ka na napansin ang performance mo. But more than anything, ang pinapangarap ko, sana mapanood lagi ang pelikulang ginawa ko. It’s always about that. But most importantly for me right now, I’m very grateful and blessed that we are included in Metro Manila Film Festival and I can guarantee that it’s a very beautiful movie.”