
How true that Christian Bautista regrets transferring from ABS-CBN to GMA?
by PSR News Bureau
Totoo kaya ang alisngasngas na nagsisisi na raw itong si Christian Bautista sa ginawa nitong paglipat mula sa dati niyang home network na ABS-CBN patungo sa GMA? Marami kasi ang nakapansin na magmula nang lumipat sa Siyete si Christian ay tila baga lumamlam na rin ang karera ng magaling pa naming singer. Kung dati rati’y sobrang hindi magkandaugaga sa trabaho ang singer, ngayon daw ay mas madalas na nakatengga lang ito. Dahil matapos mawala ang Sunday All Stars na dating kinabibilangan nito ay wala na rin halos nilalabasan ang alaga ni Carlo Orosa.
Marami tuloy ang nanghihinayang sa talento ni Christian. Mukhang bad move nga raw ang ginawang paglipat ng singer. Dati kasi’y ang bango-bango ng pangalan niya maging sa international market. Sikat na sikat nga siya sa bansang Indonesia. Marami tuloy ang nagtatanong kung muli pa rin kayang ire-renew ni Christian anf kanyang kontrata sa Siyete na malapit na palang mag-expire nitong darating na buwan ng Marso.
Mukhang disappointed rin ang binata sa nangyayari sa takbo ng kanyang karera sa ngayon. Kung bakit kasi walang mapaglagyan sa kanya ang Siyete gayung talented naman si Christian. Pupuwede rin ang binata sa pagkanta, pagho-host at maging sa acting ay papasa rin ito.
Sabi naman ng ilan, nakakapanghinayang talaga si Christian pero hindi ito nag-iisa dahil ganyan rin ang karamihan sa sitwasyon ng ilang talents ng Siyete gaya nina Regine Velasquez, Jonalyn Viray, Kris Lawrence at Jaya. Pawang magagaling na artists naman ang mga nabanggit pero wala silang venue upang maipakita ang kanilang talento. Para lang silang mga “frozen delights” ng Siyete.
Matapos kasing mag-bow out sa TV ang Party Pilipinas o Sunday All Stars, mukhang walang balak ang pamunuan ng Siyete na tapatan ang ASAP ng Dos. Hindi magtataka ang Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) kung darating na lang ang araw at tuluyang nang magsi-alisan ang mga talentong mayroon ang Siyete lalo pa kung wala naman silang maibigay na trabaho para sa kanila. Sayang ang mga talentong hindi naipapamalas.