
“I’ll focus in career and will take advantage of the opportunities coming along my way.” – Sef Cadayona
Zero pa rin daw ang love life ni Sef Cadayona. Matagal-tagal na rin siyang single mula nang mag-break sila ng dating karelasyong na si Yassi Pressman.
Parang mas nagiging masuwerte siya sa kanyang career ngayon na wala siyang girlfriend?
“Oo nga, e. Malas ‘yong mga gano’n!” natawang sabi niya.
“Pero… oo. Nagiging masuwerte nga ako ngayon sa trabaho.”
Pero hindi pa rin nawawala ang tsismis na pinupormahan daw niya si Andrea Torres?
“Hindi! Hindi totoo ‘yon.”
Wala talaga siyang napupusuan na ligawan sa ngayon among the girls na kakilala niya?
“Ang nililigawan ko… si FLG (Felipe L. Gozon, President and CEO ng GMA). “Kita mo, binigyan ako ng bagong trabaho!” tawa ulit na biro ni Sef.
Sa susunod bang magka-girlfriend siya, non-showbiz na ang kanyang gugustuhin para iwas-intriga?
“Uhmm… depende. Kung sino ang magustuhan ko.
“Hindi naman ako namimili, e. Showbiz o non-showbiz, basta tinamaan ako, iyon na’yon.”
Kung dating nakarelasyon niya ang pag-uusapan, malabo raw talaga na maisip niyang may balikan siya.
“Hindi na. Kapag tapos na, tapos na.
“Oo. Gano’n talaga ang buhay.”
Hindi siya naniniwala sa kasabihang love is sweeter the second time around?
“Hindi.
“Okey na ‘yon. Kung anuman ‘yong mga nakaraan, do’n na ‘yon sa past.
“Move forward.
“Sa career muna ako magpu-focus. Sasamantalahin ko ang magagandang opportunities na dumarating sa buhay ko ngayon.
“Gusto kong magpayaman muna. Saka na ang love life.”
Gaano kayaman ba ang hangad niyang maging?
“’Yong enough para magkaroon ako ng labing isang anak!” natawa ulit na huling naging pahayag ni Sef.