
“I’m so blessed to have been the first gay actor to have made a name in showbiz.” – Vice Ganda
Hindi sinita ni Vice Ganda ang kaibigan niyang si Coco Martin nang ibulgar nito ang ilang detalye sa pagkatao ng boyfriend niya nang mag-guest ito sa ‘Gandang Gabi Vice’ kamakailan.
“Hindi, kasi unang-una, wala naman siyang sinabing pangalan. Tao na lang naman ang nag-aano (nag-conclude), di ba? Hindi ko puwedeng isisi kay Coco ang ginawa ng ibang tao. Hindi naman si Coco ang nag-conclude, ang ibang tao, di ba?,” paliwanag niya
Nagkukuwento ba siya ng lovelife niya kay Coco?
“Naku, kahit hindi ko naman kwentuhan ‘yan, nalalaman niya, ewan ko ba,” pakli niya.
Pagkatapos ng rebelasyon ni Coco ay lumabas ang pangalan ng Mr. Chinatown 2014 na si Kurt Ong dahil ito ang tumutugma sa sinabi ni Coco na Chinese daw ang boyfriend ni Vice Ganda at galing sa pageant. Pero ayon kay Vice ay hindi raw niya talaga dyowa si Kurt.
“Hindi ko siya talaga dyowa. Makarma na. O ayan ha, makarma na, hindi ko naging dyowa yun,” sabi niya. “Darating siya (Kurt), manonood siya, at kasama niya yung family niya. Pero hindi ko dyowa yun, I swear,” bulalas pa niya.
Makikita ba sa concert ang dyowa niya?
“Wala,” bulalas niya. O, e, di tapos,” dagdag pa niya sabay tawa niya.
“Bakit ayaw niyang i-reveal kung sino yung Chinese na tinutukoy ni Coco Martin?
“E, di kapag inamin ko, may itatanong pa ba kayo? E, di wala na!,” sabi nito sabay tawa.
Sinabi pa ni Vice na mas maganda ring hindi niya ilantad sa publiko kung sino ang karelasyon niya dahil nakakasira lang sa career at sa parte ng lalaki. Tanggap niya na may mga tao talaga na mapanghusga at hindi tanggap ang ganitong klaseng relasyon.
Anyway, abala ngayon si Vice sa kanyang malaking pasabog sa Smart Araneta Coliseum para sa kanyang concert na ‘Vice Gandang-Ganda sa Sarili. . .Sa Araneta E Di Wow!’ sa May 22.
Apat na production numbers lang daw ang gagawin niya sa concert pero lahat ito ay major at sobrang effort. Parang pang-opening at pang-finale ang dating kaya sobrang stress siya.
Ginastusan nang husto ang kanyang concerts. Ilan sa makakasama niya sa production numbers ay sina Vhong Navarro, Billy Crawford at James Reid.
Bawal pala ang bata sa nalalapit na concert ni Vice .
“Ni-restrict na namin na 13 years and above kasi pag masyadong bata naman, ayaw ko. Pag may nakikita akong bata, nadi-distract ako. Tama na yung tv at movie sa kanila,” deklara niya sa naganap na intimate dinner.
Paano kung may isang batang bading na lumapit sa kanya at sabihin na gusto ko paglaki ko maging kagaya mo?
“Sasabihin ko sa kanya ‘wag. Kasi hindi mo naman ako magiging kagaya eh. ‘Iba ka at iba ako, special ka rin,’” pakli niya. “Sasabihin ko na special ka, maging ikaw lang. Maging sarili mo lang,” dagdag pa niya.
Sino ang mga ookrayin niya sa concert niya? Dati ay sunog na sunog si Senator Nancy Binay at saka si Jesicca Soho?
“Ayaw ko nang okrayin si Nancy kasi kaibigan ko na ‘yung kapatid niya,” sagot niya.
Eh Si Jessica?
“Ayaw ko na… ayaw ko na, di ba? Never, never kong babanggitin ‘yung pangalan niya para wala nang issue,” aniya.
Sino ang naiisip niya?
“Abangan ninyo,” pakli niya. “Sino ba ang current ngayon? Sino ang masarap paglaruan?,” balik-tanong ni Vice. May nag-suggest na sina Melissa Mendez at Doris Bigornia. Hindi nga lang alam kung malamig na ang isyu bago pa man siya mag-concert.
Kaya ba niyang pasaringan si Pnoy?
“Napapasaring ko naman si Pnoy, ah,” sagot niya na napapanood daw sa ‘It’s Showtime.’Kung kaya, kaya no? Bakit naman hindi,” sabi pa niya.
Hindi magre-react si Kris Aquino?
“Siya nga nabalags (nabalatan) ko, no? Lagi naman siyang nagre-react. Si Kris, in fairness never akong sinabihang ‘asawa, bawal ‘yan, asawa ‘wag ganito,’wag ganoon, wala. Napipikon siya, pag napikon, di mag-sorry,” bulalas pa ni Vice sabay tawanan.
May mga nagsasabi na close siya sa mga Aquino kaya hindi niya maokray.
“Diyos ko si Kris nga, inookray ko nang malala. Kahit noong nakaraang concert ko, binaboy ko siya, nandun siya mismo at nakikita ng mga tao na bina-barbie (binababoy) ko siya. Support siya nang bonggang-bongga. Si Tito Boy (Abunda), binarbie ko, deadma lang, si Kuya Kim (Atienza), lahat, kasi fun lang,” aniya pa.
Natutuwa si Vice na blessed siya sa career niya. Walang lantad na gay actor na pumantay o narating ang kinalalagyan niya. “Alam ninyo, si Sir Deo (Endrinal, Business Unit Head sa ABS), kinakausap niya ako dati. Kapag gumagawa siya ng career plans ko na, ‘I’m giving you two years.Una, ang sabi niya pala sa akin, ‘I’m giving you three years. Tapos, bago matapos and third year, sabi niya sa akin, ‘I’m giving you another two years. Tapos nag-five years na ako, noong huli kaming mag-meeting, sabi niya sa akin, ‘Matagal ka pa.”
“Nabigla nga raw siya, hindi niya nakita. Akala niya, two years.Tapos huling sabi niya sa akin, matagal pa. Kaya masaya, hindi ko rin naman nakita itong buong-buong mangyayari. Basta masaya lang, trabaho lang ako nang trabaho, patawa lang ako nang patawa,” deklara niya.
May inamin din si Vice na sa kasikatang ito ay nahihirapan siyang ma-adjust sa personal life niya. Naikuwento niya na minsan ay nagpunta siya sa mall, mamimili ng painting, magsasara na ang gallery at hinahabol niya talaga. Pero yung mga tao gustong magpa-picture. Nagsabi siya ng pasensya na at hinahabol niya ang gallery pero sinabihan siyang suplado pala ito sa personal.
Sa pelikula naman, naka-plano na ang gagawin nilang movie ni Coco Martin. Excited siya dahil ibang Coco ang mapapanood dito at gagawin niyang bakla. Hindi ‘yung nagpipigil na bakla kundi baklang-bakla na kagaya niya. Pumayag daw si Coco sa deal nila na magpapa-barbie siya meaning magpapababoy siya kay Vice.