
“I’m happy to be a good example to the youngsters because of Oh My G.” – Janella Salvador
Tila nasa cloud nine ang pakiramdam ni Janella Salvador nang tanggapin ang kanyang award na Pinaka-Pasadong Dangal Ng Kabataan sa katatapos na Gawad-Pasado na ginanap noong Sabado, April 11, sa auditorium ng San Sebastian College-Recoletos. Kasama niyang ginawaran ng nasabing pagkilala si Gerard Santos.
“Sobrang saya ko na nabigyan ako ng award na ganito,” sabi ng Kapamilya young actress nang makausap ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph).
“Nakakatuwa. It means I’m a good example to young people of my age. And of course, I owe it to Oh My G,” pagtukoy niya sa pinagbibidahang fantasy series tungkol sa isang teenager na nakakausap ang Diyos.
Pagkatapos ng awards night, talagang nagkakagulo ang mga estudyanteng naroroon para makapagpa-picture sa kanya. Mapa-lalake o babaeng kabataan ay talagang ipinapakita ang labis nilang paghanga kay Janella bilang magandang ehemplo at inspirasyon.
“I feel so blessed na maging example para sa kanila. Sana patuloy nila akong i-look up. And sana patuloy din nilang subaybayan ang Oh My G. Mas kaabang-abang kasi ang mga susunod pang episodes. Malapit ko nang mahanap si Anne Reyes. At yung paghihiganti ni Sophie, malapit na rin nilang mapanood.”
“I’m actually very happy with the ratings ng Oh My G. Hindi ko in-expect na maraming manonood talaga ng soap. I’m also happy kasi it really has many values. Maraming matututunan yung mga tao.”
Kumusta na ang samahan nila ng mga leading men niya sa Oh My G na sina Marlo Mortel at Manolo Pedrosa?
“Masaya kami lagi sa set. Mas close ako kay Marlo ngayon pero nagiging close na rin kami ni Manolo.”
Malabo pa raw na mauwi sa ligawan kung may nagiging ka-close man siya gaya nina Marlo at Manolo.
“Bata pa ako, I’ve just turned seventeen.”
Kailangan bang mag-eighteen muna siya bago magpaligaw o magka-boyfriend?
“Puwede!” pagsang-ayon pa ni Janella. “Siguro kapag kaya ko nang i-balance ang lahat like my career at lovelife, we’ll see, baka puwede na.”
Napaka-positive niyang tao. Ano ang masasabi niya tungkol sa ina niyang si Jenine Desiderio na hindi na napigilan ang sarili na patulan ang ilang mga nangba-bash sa kanilang mag-ina?
“Kung ako, honestly, I’ll just make it deadma na lang. Ayoko na lang pag-usapan yun. Kasi mabibigyan pa ng atensiyon yung taong yun. Hindi na ako naaapektuhan ng mga ganoon. I don’t really mind it kung anuman ang sinasabi nila.”
May pelikula raw siyang gagawin. Ito ay ang “Retreat House” mula sa Regal Films.
“It’s with Jerome Ponce and Marlo Mortel. First movie ko ito tapos horror pa siya. Nakaka-pressure. Di ba ang first movie, dapat kilig-kilig? E ito horror kaya nakaka-pressure. But I hope people will support it,” panghuling nasabi ni Janella.