
I’m happy with NET25–Aga Muhlach
Nagsimula ang haka-haka na lilipat si Aga Muhlach at misis niyang si Charlene Gonzalez sa Advanced Media Broadcasting System Inc. (o AMBS, ang TV network na pag-aari ni dating Senator Manny Villar at pamumunuan ni Willie Revillame) sa pagdalaw ni Willie sa mag-asawa noong February 7, 2022.
May mga hindi maiwasang mag-isip na kinukuha ni Willie sina Aga at Charlene para sa AMBS.
Ang AMBS ang nakakuha ng provisional authority na gamitin ang frequency na dating pagmamay-ari ng ABS-CBN; at the same time ay nagpaalam si Willie at ang programa niyang Wowowin sa GMA.
Hindi nag-renew ng kontrata si Willie sa Kapuso network at lumipat sa AMBS.
Lilipat nga ba si Aga sa AMBS? Ano ang katotohanan sa pagbisita ni Willie sa kanila ni Charlene?
“Wala namang issue dun, no, Willie and I are good friends,” ang nakangiting sinabi ni Aga sa Zoom mediacon na ipinatawag ng NET25 para sa bago niyang show na Bida Kayo Kay Aga.
“Right now, I’m just focused. I’m happy with Net25.
“As long as they like me, as long as gusto nila ako and ‘yung services ko is okay pa sa kanila, I will remain with them.
“That I can say.”
Tinutumbasan daw ni Aga ang tiwalang ipinagkakaloob sa kanya ng Net25; dalawa ang program ni Aga dito, bukod sa Bida Kayo Kay Aga ay host si Aga ng game show ng Net25 na Tara Game, Agad Agad!
Kaya wala raw dapat maging isyu tungkol sa paglipat sa network.
“You know, hindi naman ako ganun.
“Like, kinuha ako ng Net25, na sa kanila ako. Masaya sila sa akin, masaya ako sa kanila, tuluy-tuloy lang.
“Nakakapagbigay ako ng ligaya sa kanila sana, at sila naman nakakapagbigay ng ligaya sa akin.
“So, by these shows, lahat naman ng i-request ko binibigay naman nila tulad ng Tara Game na makapagbigay tayo sa tao, mapasaya natin sila.
“Itong Bida Kayo Kay Aga, binibigay nila yun, so maraming-maraming salamat.”
Sa ngayon, hindi pa niya iniisip na lumipat ng network.
“In terms of other stations, priority ko ang Net25.
“Ngayon, kung magkakaroon ng ibang shows, parati akong magpapaalam sa Net25, always, kasi dito ako nag-umpisa.
“Yun ang delicadeza ko, hindi na nawala sa akin,” seryosong pahayag pa ni Aga.
Ang Bida Ka Kay Aga ay eere na simula March 12, Sabado, 7 pm at ang Tara Game, Agad Agad! ay napapanood tuwing Linggo, 7 pm.