
“I’m willing to do any role for as long as the script calls for it and will it help boost up my career.”–RITZ AZUL
by Ruben Marasigan
Unexpected daw para kay Rizt Azul na mapasama siya sa mga nominees bilang New Movie Actress Of The Year sa katatapos na 31st Star Awards For Movies. Nominated si Ritz para sa una niyang pelikulang Separados. Ang iba pang nakalaban niya ay sina Sophie Albert para sa #Y, Athena Bautista for Kamkam, Cleen Borgonia para sa 1st Ko Si 3rd, Loren Burgos for Mulat, at ang nanalo sa kategoryang ito na si Sofia Andres ng pelikulang Relaks, It’s Just Pag-ibig.
“Sobrang nagpapasalamat pa rin ako sa PMPC. Dahil napansin nila ako do’n sa first movie appearance ko sa Separados,” sabi ng Kapatid star.
“Kahit naman no’ng unang paglabas ko sa TV, na-nominate din ako last year bilang Best New TV Personality sa Star Awards For Television naman.”
Kuntento naman daw ngayon si Ritz sa takbo ng kanyang career. At masaya raw siya sa pagpasok niya bilang karagdagang mainstay ng comedy series ng TV 5 na Two And A Half Daddies kung saan bida si Robin Padilla kasama ang mga kapatid nitong sina Rommel Padilla at BB Gandanghari.
“Ang role ko ay si Maya. At… abangan na lang nila kung ako nga ba talaga ‘yong nanay no’ng bata!” sabay ngiti ng young actress.
Nakapag-taping na raw siya para sa nasabing show.
Kumusta namang katrabaho ang Padilla brothers?
“No’ng una, kinakabahan ako. Kasi… mataas kasi ang tingin ko sa kanila kasi Padilla brothers yan, e. I mean, isa sila sa mga angkan sa showbiz na tinitingala ng marami.
“Si Kuya Rommel, nakasama ko na dati sa isang anthology. So si Ms. BB na lang at saka si Robin ang first time ko talagang makatrabaho.
“Kaya kinabahan ako no’ng una. Kasi ang feeling ko… lalo na si Ms. BB parang high level siya, gano’n.
“Pero sobrang kulit din nila sa set. Tinutulungan din nila ako palagi.”
Hindi ba naman siya na-starstruck kay Robin?
“Sabi ko… ano kayang nagugustuhan ng mga tao sa isang Robin Padilla? Bakit kaya poging-pogi sila sa kanya?
“Tapos pagkakita ko sa kanya… oh, pogi nga pala talaga siya!” tawa ni Ritz.
“Ayon. Gano’n ‘yung naging reaksiyon ko.
“Kaya kapag may mga friends ako na nagtatanong kung pogi nga ba talaga si Robin…alam ko na ang isasagot ko; isang siguradong oo naman!” sabay tawa na naman ni Ritz.
Very revealing ang suot ni Ritz nang mag-attend siya sa Star Awards. Halos lumuwa na ang kanyang dibdib sa gown na gawa ng designer na si Eric delos Santos.
“Siyempre Star Awards ito, kailangang paghandaan,” nangiting sabi ng dalaga.
Ready na kaya siya sakaling may mag-offer sa kanya ng daring o sexy na role?
“Well ako… kina-count ko ang sarili ko as an actress naman. So I think kahit anong roles ‘yan kahit sexy basta kaya ko naman, gagawin ko.
“Open ako sa kahit anong klase ng roles. Lalo kung talagang makakabuti naman sa career ko.”
Kumusta naman ang estado ng knyang lovelife sa ngayon?
“A… mahal ko ang pamilya ko!” napahalakhak niyang sagot.
“Wala akong lovelife sa ngayon.
“Well, siyempre may mga nagpaparamdam. Pero… hindi pa do’n ang focus ko, e.”
Artista ba lahat ‘yong sinasabi niyang mga nagpaparamdam sa kanya?
“Uhm… may showbiz. May non-showbiz.
“Pero nasa trabaho muna ang interes ko. Career muna,” panghuling nasabi ni Ritz.